'Powerhouse': Benjie Paras
POWERHOUSE
BENJIE PARAS
Date of Airing: March 5, 2014
11:15 PM, GMA-7
Dating anak ng isang labandera pero dahil sa basketbol, naiahon niya ang kanyang pamilya sa kahirapan. Ngayong Miyerkules sa "Powerhouse" sa GMA-7, silipin ang bahay at buhay ng komedyante at dating basketbolista na si Benjie Paras.
Sa isang eksklusibong subdibisyon sa Pasig nakatira ang pamilya ni Benjie. May laking 400 square meters at dinisenyo ng arkitektong si Alex Co ang kanilang bahay. Ang kanyang asawa na si Lyxen ang siyang namahala sa interiors at tema ng bahay na modern asian.
Sa ikalawang palapag, matatagpuan ang kwarto ng mga anak ni Benjie na sina Andre at Kobe. Kitang-kita ang hilig ng mga binata sa basketbol dahil sa disenyo ng kani-kaniyang kwarto, maging ang kanilang ilaw ay hugis bola.
Anak ng dating manikurista at labandera si Benjie. Lumaki sa mahirap na pamilya pero nagpursige siya na makaahon sa hirap sa pamamagitan ng paglalaro ng basketbol. Nadiskubre lamang siya noon sa mga liga ng barangay hanggang sa makapag-aral sa San Beda College at kalaunan ay sa Unibersidad ng Pilipinas kung saan kumuha siya ng kursong Tourism. Pinagsabay ni Benjie ang pag-aaral at pagbabasketbol, kasama siya sa koponan ng UP Fighting Maroons na siyang huling nagbigay ng panalo sa unibersidad noong 1986.
Hindi na nakagugulat na noong taong 1989 ay siya ang naging over-all first draft pick sa Philippine Basketball Association o PBA at naglaro siya sa Formula Shell. Dito, gumawa ng mas malaking ingay si Benjie nang hirangin siya bilang Rookie of the Year at Most Valuable Player ng parehong taon.
Sa gitna ng kasikatan niya sa mundo ng basketbol, nagdesisyon si Benjie na magretiro sa paglalaro para makasama ang kaniyang pamilya. Kasabay nito, nagdesisyon na rin siyang pasukin ang mundo ng show business. Dahil sa artistahin ang hitsura at magaling magpatawa, nabigyan siya ng break sa Dunkin Donato, ang kanyang unang pelikula. Matapos nito ay nagsunud-sunod na ang proyekto ni Benjie, maging sa sitcom at telenovela.
Kahit na wala na sa hard court, hinahangaan pa rin siya bilang ama, asawa at isang komedyante. Alamin ang staying power ng tinaguriang "Tower of Power" na si Benjie Paras. Samahan si Kara David sa isang masayang kwentuhan na punong-puno ng inspirasyon at aral ngayong Miyerkules sa Powerhouse na mapapanuod na sa GMA 7, 11:15 PM, pagkatapos ng Saksi.