Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Tahanan ng mag-asawang Mark Lapid at Tanya Garcia, bubuksan para sa 'Powerhouse'




Powerhouse: Mark Lapid and Tanya Garcia 
June 10, 2015
 
Ilang beses na raw nag-propose si Mark Lapid sa aktres na si Tanya Garcia para ikasal sila sa simbahan pero ilang beses na rin itong tumanggi. Nagkaroon na naman sila ng civil wedding at hindi na muna priyoridad ni Tanya ang magkaroon pa ng church wedding. Maglilimang taon na silang nagsasama at masaya naman ang dalawa. Aminadong magkaiba sila ng ugali pero ‘di sila katulad  ng ibang showbiz couples na nauuwi sa hiwalayan.
 
Ipinasilip ng mag-asawa kay Kara David ang kanilang bahay. 2003 nang ipa-renovate ni Mark ang kanilang modern minimalist na tahanan. Dati raw itong bahay ng Pamilya Lapid kung saan lumaki si Mark. May sukat itong 600 square meters at may dalawang palapag. Mayroong swimming pool at malaking lawn area ang bahay kung saan madalas mag-bonding ang mga anak nina Mark at Tanya. Sa kanilang hardin matatagpuan ang pinakamatandang gamit ng mag-asawa na isang pigura ng maliit na kabayo. Galing daw ang ito sa set ng pelikulang "Aguila sa Puting Bato" na pinagbidahan ng mag-amang Lito at Mark Lapid. 
 
Ang unang palapag ang paboritong parte ng bahay nina Mark at Tanya dahil narito ang kanilang dining area. Mula raw kasi rito ay matatanaw ang kanilang pool, hardin, at maging ang sala. Sa ikalawang palapag naman makikita ang replika ng baril na ginamit ni Sen. Lito Lapid sa pelikulang "Leon Guerrero." Sa palapag ding ito matatagpuan ang koleksyon ni Mark ng ilang posters at 23 pares ng sapatos na Air Jordan. 
 
Sa loob ng kanilang bahay ay naka-display ang mga plake, diploma at graduation pictures ni Mark mula sa mga eskwela.  Kung si Mark daw ay sanay na  at di na naaapektuhan sa mga sinasabi ng mga tao tungkol sa kaniyang ama na hindi nakapagtapos  ng pag-aral, si Tanya raw ang mas nasasaktan dahil pati raw ang kaniyang asawa ay napagkakamalang walang alam. Sa katunayan, nakapag-aral si Mark sa Harvard at Stanford. 


 
Sa ngayon ay abala si Mark bilang tagapangasiwa ng Philippine Tourism Authority samantalang hands-on mom naman si Tanya sa mga anak. Abala rin kasi si Tanya sa pagma-manage ng restawran, ang Locavore, na negosyo ng pamilya. 
 
Isinama nina Mark at Tanya si Kara sa regular na Sunday family lunch ng mga Lapid at doon ay nakapanayam rin ni Kara si Sen. Lito Lapid. Dito ay inamin ng senador na muli nga siyang tatakbo sa darating na halalanan, pero bilang alkalde ng ciudad ng Angeles sa halip na Porac kung saan sila dati nakabase. Dito rin lantarang sinabi ni Sen. Lapid na nais niyang tumakbo ang anak bilang kanyang kapalit sa Senado dahil mas kaya raw nito ang trabaho sa Senado dala ng malawak ang pinag-aralan nito, 'di gaya niyang hindi nakapagtapos sa pag-aaral.
 
Ngayong Miyerkules, samahan si Kara David na kumustahin ang buhay at libutin ang bahay nina Mark Lapid at Tanya Garcia sa Powerhouse, 4:35 PM sa GMA.