advertisement
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ex-convict-turned-hairstylist na si Edwin Samot, kikilalanin ng 'Powerhouse'


Sa dami ng kanyang high end salons sa Cavite, kahilera na niya sina Fanny Serrano, Ricky Reyes, at Jing Monis kapag pagpapaganda ang usapan. Sa gara ng buhay niya ngayon, ‘di n’yo aakalaing dati pala siyang labas-masok sa kulungan noong kanyang kabataan. Sa tagumpay na kanyang tinatamasa, maniniwala ba kanyong hanggang elementarya lang ang natuntong niya?

Edgardo Samot ang kanyang tunay na pangalan pero mas pinili niyang tawaging Edwin mula sa palayaw niyang Ed, at Win naman na ang ibig sabihin ay panalo. Lumaki sa mahirap na pamilya si Edwin. Driver ng jeep ang kanyang ama samantalang labandera naman ang kanyang ina. Nagkahiwalay ang kanyang mga magulang at naapektuhan daw ang pag-aaral ni Edwin kaya elementarya lang ang kanyang natapos. Minsan na rin siyang naglayas at natutong magnakaw. Ilang beses din siyang nakulong dahil dito. Paano nga ba nabago ang kapalaran  ni Edwin na nagsimulang talunan sa buhay? 


Naging inspirasyon ni Edwin ang isang kaibigang bakla na nakapagnegosyo ng salon. Nang matuto siyang maggupit  ay nag-ipon siya, at nang umabot sa  anim na libong piso ang naisantabi ay bumili ng suklay, gunting at ilan pang kagamitan para sa kanyang sariling salon. Sampung piso ang halaga ng bawat gupit niya hanggang sa lumago na ito. Sa ngayon ay may 16 na salon at spa siya sa Cavite. Bawat branch daw ay pinaunlad niya  at unti-unting ginawang high end salon.  Sa pagkakataong ito, masusubukan din  ni Kara ang galing ni Edwin sa paggupit. Magpapakitang-gilas si Edwin at si Kara mismo ang kanyang modelo. Ano kayang hair style ang nababagay kay Kara?


Kung dati'y walang sariling tahanan si Edwin ngayon ay nagmamay-ari na siya ng 2000 square meters na bahay sa Cavite. May tatlong palapag  at nakadugtong ito sa kanyang negosyong salon at spa.  Walong taon na siyang nakatira rito pero ngayong taon lang daw natapos ang renovation nito.

 
Si Edwin mismo ang landscape artist ng kanyang garden at interior designer ng kanyang bahay. Malawak at parang maze ang disenyo ng kanyang tahanan dahil konektado raw ang bawat kuwarto sa hallway na ginawa niyang garden.

Hindi rin daw nagkakalayo ang mga wood fixture na makikita sa kanyang bahay sa tahanan ng kanyang kaibigan na si Fanny Serrano. Gawa rin sa repurposed materials  ang ilan sa mga conversation piece sa loob nito gaya na lang ng isang arko na mula pa sa punong kahoy at lumang kama na galing sa kanyang salon. Kapansin-pansin din ang kisame na gawa pa sa pinagtagpi-tagping kahoy, salamin at chandelier.
 
Eclectic na pagsasama ng moderno, ethnic at colonial ang bahay ni Edwin, sinumang pumasok ay di mauubusan ng detalyeng makikilatis. Isa kaya itong repleksyon ng may-ari? 


Samahan si Kara David na kilalanin ang hairstlylist na si Edwin Samot at libutin natin ang bahay na simbulo ng kanyang tagumpay sa buhay ngayong Miyerkules ng hapon sa Powerhouse, pagkatapos ng Destiny Rose.
 
 
 
 
Tags: pr
LOADING CONTENT