Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Tahanan ni dating Super Sireyna at ngayo'y abogadong si Bruce Rivera, tampok sa 'Powerhouse'


 


Labing walong taong gulang si Bruce Rivera nang magsimulang rumampa sa mga gay beauty pageant. Nang mawalan ng trabaho sa ibang bansa ang mga magulang, pinili niyang sumali sa mga beauty contest para humalili sa pamilya at naging sikat na kontesera mula Visayas hanggang Mindanao. Isang medical condition raw na tinatawag na Klinefelters Syndrome ang dahilan kung bakit mabenta ang ganda niya sa mga ganitong kumpetisyon. Ang tagumpay niya sa mga probinsya ang nagbigay ng lakas  ng loob sa kaniya na pumunta sa Maynila at sumali sa prestihiyosong Super Sireyna ng Eat Bulaga. Pero paano nga kaya nalihis ng landas si Bruce mula sa pagiging beauty queen patungo sa abogasya?

Nakapagtapos siya bilang Magna Cum Laude sa kursong Political Science at tumuloy sa pag-aabogado. Bigatin ang mga kasong kanyang hinawakan ngunit 2013 nang maging matunog ang kaniyang pangalan bilang attorney ng tinaguriang "Pork Barrel Queen" na si Janet Lim Napoles. Ano nga ba ang dahilan ni Bruce sa pagtanggap ng isa sa pinaka-kontrobersyal na kaso sa bansa?  Paano niya nilalagpasan ang panghuhusga ng mga tao sa paghawak ng kasong ito?

Binabatikos man ng marami, pinabulaanan naman ni Bruce na ang kaniyang yaman at tahanan ay ibinigay ng kung sino man. Tiyaga at determinasyon raw ang tanging paraan kaya niya nakamit ang tagumpay sa buhay.

Sa isang pribadong subdibisyon matatagpuan ang kaniyang tahanan. Kapansin- pansin ang kanyang Buddha collection na nabili niya sa pamamasyal sa iba’t ibang bansa.

Nakababawas naman daw ng stress ang pag-aalaga ng mga hayop para kay Bruce. May dalawang isda na matatagpuan sa foyer at ilang aso siyang kasama sa loob ng kaniyang tahanan.

 


Gawa sa kahoy ang  kaniyang dining set na inihantulad niya sa upuan at lamesa sa dati nilang tahanan sa Cebu. Black and gray naman ang motif ng kaniyang silid at tinatawag niyang “Batcave”.  Ayaw daw kasi ni Bruce na may pumapasok na ilaw sa kaniyang silid.

 


Ngayon ay abala si Bruce sa pagiging isang guro sa San Beda Alabang College of Law. Siya rin ang Prefect of Students Affairs na nangangasiwa sa activities, organizations, sororities at fraternities ng paaralan. Mahirap man ang pagtuturo ng abogasya ay hindi raw ito nagiging mahirap para sa mga estudyante dahil sa kakaibang istilo ni Bruce. Hindi kaya hadlang ang kanyang nakaraan sa mga beauty contest sa kanyang karera ngayon bilang high-profile lawyer at propesor?

Ngayong Miyerkules, kilalanin si Atty. Bruce Rivera at bisitahin ang kaniyang tahanan kasama si Kara David sa Powerhouse, pagkatapos ng Destiny Rose sa GMA 7.

Tags: pr
LOADING CONTENT