ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Tahanan ng trainer ni Pia Wurtzbach na si Jonas Gaffud, tampok sa 'Powerhouse'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

 

Ms. Universe 2015 Pia Wurtzbach at Ms. World 2013 Meagan Young, dalawa lamang ito sa ilang alaga ng tinaguriang Beauty Queen Maker na si Jonas Gaffud na nagbigay karangalan sa Pilipinas sa pinakaprestihiyosong beauty pageants sa mundo.

 

Limang taong gulang pa lamang daw siya ay kabisado na niya ang lahat ng kabisera ng mundo. Kumuha siya ng kursong Geography dahil dito, pero ang pagkahilig niya sa mapa ay nadala na rin sa interes niya sa mga beauty contest. Nang magtapos nga raw siya at tinanong ng propesor kung ano ang gusto niyang gawin sa buhay, ang kanyang sagot: maging beauty queen. Ang pangarap niya mula pa noong  bata natupad sa paraang hindi inaasahan, hindi bilang beauty queen kundi bilang mentor at trainer ng mga ito.

 


Unang pambato ni Jonas sa winning streak ng Pilipinas sa international beauty pageants ang Bikolanang si Venus Raj na itinanghal na  Miss Universe 4th Runner-up noong 2010.  Sumunod na taon, nakuha naman ni Shamcey Supsup ang korona bilang Miss Universe 3rd Runner-up. 2012 naman nang masungkit ni Janine Tugonon ang titulong Miss Universe 1st Runner-up. Nagbunyi ang buong Pilipinas nang koronahan si Megan Young na 2013 Miss World. Nitong December 2015, isang Pilipina ang kinilala bilang pinakamagandang babae sa sansinukob. Matapos ang mahigit apat na dekadang paghihintay, si Pia Alonzo Wurtzbach ang nag-uwi ng 2015 Miss Universe crown. Ang tahanan ni Jonas ang naging  palasyo umano ni Pia noong nagti-train siya para sa prestihiyosong  beauty pageant. Ang lahat ng naggagandahang kababaihan na ating ipinagmamalaki sa mundo ng beauty pageants nitong mga nagdaang taon ay dumaan sa puspusang training ni Jonas. Hindi raw biro ang trabahong ito kaya strikto si Jonas  pagdating sa pag- eensayo sa mga kandidata.

 


Sa Mandaluyong City nakatira ang tinaguriang Beauty Queen Maker na si Jonas  Gaffud. Hindi raw niya pinangarap na magkaroon ng malaking bahay dahil solo lang naman daw siya sa buhay. Mas gusto raw niya na tahimik at wala siyang kasama. Pero kapansin-pansin ang dining area niya na may malaking lamesa na inilalaan niya raw para sa kanyang mga bisita. Dito umano napaiyak si Pia noong sinasanay siya ni Jonas, dito rin nagme-make up ang kanyang mga alaga.

May malaking salamin din na malapit dito kaya mas nagmumukhang malaki ang espasyo sa parteng ito. Kulay white at brown ang paligid na tumutugma sa ilang accents na kaniyang display sa loob ng bahay.

 

Minimalist lang ang tema ng kanyang bahay pero hindi gaya ng iba, may eleganteng chandelier na nakaaagaw ng atensyon. "Very queenly, very classy and regal but not showy" ang deskripsyon ni Jonas sa chandelier na nakasabit sa kanyang dingding. Ganito rin daw ang kanyang vision sa mga tini-train niyang mga modelo at kandidata ng beauty pageants.

 


Eksklusibong ibabahagi ni Jonas ang mga training videos ng kanyang mga sikat na reyna. Ito ang inside look sa loob ng beauty pageants na ngayon n’yo lang makikita.

Abangan rin ang beauty queen tips ni Jonas kay si Kara David kung saan ibabahagi niya ang tamang paglakad, pagtindig at postura ng isang reyna. Ituturo rin niya kung gaano kaepektibo ang prinsipyo niyang PPP o proper posture is power sa ganitong mga patimpalak. Lakad at tindig-Miss U na rin kaya si Kara pagkatapos nito?

 


Ngayong Miyerkules, bisitahin ang tahanan ng beauty queen maker na si Jonas Gaffud kasama si Kara David sa Powerhouse pagkatapos ng Destiny Rose sa GMA.

 

Tags: pr