Tahanan ng International Designer na si Ditta Sandico, tampok sa 'Powerhouse'

Tatlumpung taon na sa fashion industry ang designer na si Ditta Sandico at kahit anak siya ng may-ari ng isa sa pinakasikat na department store noong 70s at 80s, hindi naging madali ang landas na kaniyang tinahak bago makamit ang tagumpay. Palibhasa’y kakaiba para sa panahong iyon ang kanyang adbokasiya na pasikatin ang indigenous Filipino fabrics. Pero paano nga ba niya nalampasan ang pangmamaliit sa gawang Pinoy hanggang siya’y respetuhin bilang designer hindi lang sa ating bansa kungdi sa buong mundo?

Bata pa lang si Ditta ay may interes na siya sa fashion design. Labing-isang taong gulang siya nang magpunta sa Mindoro at nasaksihan ang paghahabi ng tela ng mga katutubo. Ang kaniyang paghanga raw sa mga ito ang naging inspirasyon niya para gawing materyales ang mga lokal na produkto sa kaniyang mga disenyo. Hindi lang daw sa ganda kundi pati sa tibay ay nakikipagsabayan ang mga telang gawa natin.

Ipinakilala ni Ditta sa mundo ang galing ng Pilipino sa pamamagitan ng kanyang “Mariposa” at “Lukot Wrap” na gawa sa “banaca” o banana-abaca fabric. Ipapakita ni Ditta kay Kara kung paanong ang simpleng balabal ay nagmumukhang elegante at pwede nang ipang-rampa sa engrandeng mga event. Sa isang wrap lang daw ay maraming looks nang pwedeng gawin kaya hindi mo na kailangan ng napakaraming bestida.

Halos pitong dekada na raw nakatayo ang ancestral house nina Ditta sa Quezon City. Pagmamay-ari pa raw ito ng kaniyang lola, at sa tahanang ito na siya lumaki. May lawak na 1,200 square meters ang dalawang palapag na antique wooden house na ito.

Kapansin-pansin ang mga inukit na kahoy sa mga upuan, lamesa at pintuan ng bahay na likha raw ng mga iskultor mula sa Betis, Pampanga. Ang larawan ng kanyang ina, obra ng national artist na si Frederico Aguilar Alcuaz. May ilang paintings din si Ditta na siya mismo ang gumawa at ipininta sa pineapple fabric. May showroom din ng kanyang koleksyon para naman sa kaniyang mga kliyente. Sadya raw na hindi pinuno ng muwebles ang loob para mas maging maaliwalas.


Ang weekend house naman ni Ditta sa Rizal ang nagsisilbing bahay-bakasyunan niya. Ipinakita niya kung saan siya madalas magbasa, mag-yoga at mag-ayos ng hardin. Ibinida rin niya ang kuwarto at banyo kung saan ang mga kurtina ay gawa rin sa banaca. Ang mga pintuan at bintana ay galing pa umano sa kanilang lumang mga tahanan sa Baguio, Tarlac at Antipolo. May mga napulot rin siyang bagay-bagay sa kanyang paglalakbay na kanyang inup-cycle para gawing unique na conversation pieces sa rest house. Bukod sa bahay at hardin, ang binabalikan daw ni Ditta sa lugar na ito ay ang magandang tanawin at sariwang hangin.
Libutin ang tahanan at kilalanin ang tinaguriang "Wrap Artist of the Philippines" na si Ditta Sandico ngayong Miyerkules kasama si Kara David sa Powerhouse, pagkatapos ng Destiny Rose sa GMA.