ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mga pasahero, nakilala si 'forever' dahil sa EDSA


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Dati silang hindi naniniwala sa 'forever', pero nang maranasan nila ang kalbaryo ng mabigat na trapiko, siksikang mga pampublikong sasakyan at kabi-kabilang problema sa kalsada, nagbago ang tadhana at paniniwala nilang 'may forever' at natagpuan  nila ito sa EDSA at iba pang kalye sa Metro Manila. 
 
Katulad ng komedyanteng si Divina Aucina na kapag sumasakay raw sa MRT, nabubura ang pinasikat niyang 'smize' sa mukha. Paano ba naman kasi, halos magkapalitan na ng mukha ang mga pasaherong kasabay niyang sumasakay sa tren. Ilang beses na ngang nagkaaberya sa MRT, at hindi iilan lang na solusyon ang inilatag ng gobyerno, pero hanggang ngayon, heartbroken pa rin ang maraming pasahero. 

Todo hugot naman sa mga throwback memory ang 83 taong gulang na si Lola Zeny, na sumasakay ng dyip tuwing may pupuntahan. Dati raw kasi, maluwag pa ang mga kalsada, pero sa kasalukuyang lagay ng trapiko na dinagdagan pa ng mga drayber na kaskasero - baka raw mapadali ang buhay ng mga matatandang katulad niya. Nag-aalala rin ang walong buwang gulang na buntis na si May habang nakatayong sumasakay sa siksikang bus, dahil baka manahin pa ng iluluwal niyang anak ang problema ng ating bansa. Parusa naman ang hirap ng pagsakay sa MRT sa mga may kapansanang tulad ni Ariel. Mistulang 'binasted' daw sila ng mga kinauukulan, dahil naisasantabi ang kanilang mga pangangailangan. 
 


Sa EDSA. Sa Espana. Sa CAMANAVA. O kahit saan pang eskinita. Walang lusot ang trapikong nagbibigay ng sakit ng ulo sa maraming Filipino. Pero bakit nga ba nagkaganito? Ano ang balak ng mga susunod na lider ng ating bansa, para mabago na ang sitwasyon ng mga Filipinong naniniwalang sa EDSA at sa mga kalsada ng Metro Manila, "May Forever"?
 
Tampok na dokumentaryo ngayong Linggo ng gabi sa Reel Time, 9PM pagkatapos ng Kings of Restoration sa GMA NewsTV Channel 11.