ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mga binatilyong minero mula sa Benguet, kilalanin sa 'Reel Time' 


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

 

Reel Time presents ‘Di Matibag na Yaman

Tanawing maipagmamalaki ng mga katutubong kankanaey ang bulubundukin sa benguet pero ang tunay na yaman ng kanilang tribo, sa ilalim ng lupa raw matatagpuan! Mayaman kasi sa deposito ng ginto ang bayan ng itogon at ang paghahanap sa yamang ito, kanilang ipinamana hanggang sa kasalukuyang henerasyon.

Ang magkakaibigang sina Abe (14), Harlee (13) at Kurt (13) maagang namulat sa pagmimina. Bukod kasi sa tradisyon, tila hinihila rin daw silang sumuot sa mga makikitid na tunnel dahil sa hirap ng buhay. Kaya naman sa halip na lapis at papel ang kanilang tangan, mga mabibigat na martilyo at bakal ang gamit nila sa pagbuo ng kanilang kinabukasan. Nakikimina sila kasabay ng mga beteranong minero para lang may maipantawid ng gutom at may maibaon sa paaralan.

Pagtitibag ng mga pader ng tunnel, pagbubuhat ng mabibigat na sako at pag-aakyat manaog sa mga bundok --- ito na nga raw ang karaniwang eksena ng kanilang pagkabinata. Lahat kaya nilang tiisin kapalit ng kapirasong ginto. At sa bawat pagpasok nila sa mga tunnel, tila ba tinatahak din nila ang mapanganib na landas. Kaakibat kasi ng kanilang pagmimina ang mga banta sa kanilang buhay at kalusugan.

Pero ang tunay na pagsubok, wala raw sa ilalim ng lupa dahil kasabay nang paglabas nila ng mga tunnel, hinaharap din nila ang mga kani-kanilang problemang ibinabato sa kanila sa ibabaw ng kabundukan.

At gaya ng ibang nagbibinata, ang ating mga binatilyong minero --- nakakaranas ding masaktan, maging tampulan ng pambubuska, mangarap at magmahal. Dahil tulad ng kanilang miniminang ginto, alam nilang lahat ng bagay kailangang paghirapan bago masilayan ang tunay na kinang.

Samahan natin sina Abe, Harlee at Kurt sa ilalim o ibabaw man ng lupa at saksihan natin ang hindi patitibag nilang pagkakaibigan sa Reel Time presents ‘Di Matibag na Yaman, sabado, 9:15pm sa GMA News TV-11.

Tags: pr, plug, reeltime, mining