Mga taong nakadepende sa pagniniyog, kilalanin.

REEL TIME PRESENTS: Tree of Life
Sa pagkain, pampakinis ng kutis at pampaganda, maging sa mga makina, ginagamit ang langis ng niyog.
Ayon sa Philippine Coconut Authority, pangalawa ang Pilipinas sa pinakamalaking exporter ng coconut oil sa buong mundo.
Magandang pakinggan pero ang totoo, lugmok sa matinding kahirapan ang maraming magniniyog sa bansa.
Dahil noong Marso 2018, nagsimulang bumagsak ang presyo ng kopra. Dito nakasalalay ang kabuhayan ng libo-libong magniniyog. Mula 35-38 na piso, umaabot na lang sa 10 hanggang 13 na piso kada kilo ang kopra at 4 piso naman ang buong niyog.
Si Robert Mendoza, 13 taong gulang, ay tumutulong sa kaniyang amang si Arnold, 56 taong gulang, sa pagkokopra. Ginagawa niya ito para hindi na kumuha ng babayarang kasama ang kaniyang ama, at para may maipantustos sila sa dalawa niyang kapatid na nag-aaral, at sa dalawa pa niyang kapatid na may epilepsy.
Mas pinili ni Robert na tumulong sa kaniyang ama kaysa mag-aral dahil pagniniyog ang nagbibigay sa kanila ng kabuhayan.
Bukod sa pagbagsak ng presyo ng kopra, isa pang pagsubok na kinakaharap ng mga magsasaka ay ang militarisasyon at red-tagging.
Si Kapitan Eliseo Batarlo ay napag-bintangan na kasapi at sumusuporta sa NPA. Dahil dito napilitan silang lumikas kasama ang kaniyang pamilya at ibang mga kapitbahay na pinaratangan kaya't nagkukubli ngayon at nag-aalala para sa kanilang kaligtasan.
Ano ang kinabukasang haharapin nina Robert, Arnold, Eliseo at iba pang magniniyog? Tunghayan ang kanilang mga kuwento sa Reel Time presents “Tree of Life” Biyernes 7:15 ng gabi sa GMA News TV.