Lalaking walang kamay at paa, makakamit pa kaya ang mga pangarap?

REEL TIME presents THIS ABLED
NOVEMBER 22, 2019
Humigit-kumulang sa 1,500 talampakan ang taas ng Mt. Parawagan sa Rizal. Beginners’ trail itong maituturing at aabutin lang ng dalawang oras ang pag-akyat pero para sa mga tulad ni Ryan, tila suntok sa buwan ang makarating sa tuktok ng bundok. Si Ryan kasi, ipinanganak na walang mga kamay at paa.
Pero walang bundok na hindi kayang marating dahil ang pangarap ni Ryan, posibleng maging abot-kamay daw sa tulong ng kanyang kaibigang mountaineer at guide na si Mhong. Ito ang kauna-unahang pagkakataong bubuhatin ni Mhong si Ryan paakyat ng bundok. Pero dahil mas mabigat ang timbang ni Ryan kaysa sa kanya, malaking problema ang papasanin ni Mhong. Ligtas nga kaya silang makakarating sa summit ng Mt. Parawagan?
Gabundok din ang mga personal na problemang kinakaharap ni Ryan. Pitong buwan na kasi siyang naghahanap ng trabaho buhat ng makapagtapos siya ng kolehiyo. Sa bawat kumpanyang kanyang ina-applyan, baon niya ang kanyang pinag-aralan. Pero tila laganap pa rin ang diskriminasyon sa mga tulad niyang PWD (person with disability) at mailap pa rin sa kanila ang oportunidad lalo na sa pagkakaroon ng trabaho. Sa huling datos nga ng National Council on Disability Affairs, nasa 10% lang ng mga employable PWD ang natatanggap sa trabaho. Hinanakit pa ng mga PWD, maging sa lansangan at daanan --- kitang-kita ang bakas ng hindi pantay na turing sa kanila.
Gaano nga ba kahanda ang Pilipinas sa pagbibigay ng pangangailangan ng mga PWD at gaano rin kabukas ang ating puso’t isip na bigyan sila ng pagkakataong patunayan ang kanilang mga sarili?
Samahan si Ryan sa pag-abot ng kanyang mga pangarap sa Reel Time presents This Abled, 7:15pm ng Biyernes sa GMA News TV!

_2019_11_22_11_51_39_2.jpg)
_2019_11_22_11_51_39_3.jpg)