ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Sektor: Migrants (OFWs)' sa Reporter's Notebook


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
SEKTOR: MIGRANTS
(OVERSEAS FILIPINO WORKERS)
Reporter’s Notebook Special Election Series
Seventh of an Eight-Part Series
Airing date: April 30, 2013

 
Sa ika-pitong na pagtatanghal ng “Sektor,” sisiyasatin ng Reporter’s Notebook kung bakit kabilang ang mga itinuturing na isa sa may pinakamalaking kontribusyon sa paglago ng ating ekonomiya sa pinakamahirap na sektor sa bansa. Tututukan din ang iba’t-ibang kalbarayong dinaranas ng ating mga bagong bayani habang naghahanap-buhay sa ibang bansa.
 
Sa pag-aaral ng National Statistics Office o NSO, pinakamalaking bilang ng Overseas Filipino Workers o OFW ang mga namamasukan bilang unskilled worker gaya ng mga domestic helper. Isa sa kanila si Alona Bagayan, tatlumpu’t isang taong gulang at tubong San Pedro, Laguna. Nito lamang Enero 2013 nang magtungo sa Dubai si Alona upang mamasukan bilang domestic helper. Pangarap raw niyang mabigyan ng sariling bahay ang pamilya at mabigyan ng magandang edukasyon ang dalawang anak. Pero makalipas lamang ang tatlong buwan, inuwing wala ng buhay si Alona.
 
Kalbaryo rin ang dinanas ng tatlumpu’t limang taong gulang na si Melody, hindi niya tunay na pangalan, na namasukan ding domestic helper sa Singapore. Ang iniindang karamdaman naman ng kanyang ama ang nag-udyok kay Melody upang mangibang-bansa. Pero kalupitan raw ang sinapit niya sa kamay ng kanyang mga amo. Matapos ang limang buwang paninilbihan, umuwi namang wala na sa katinuan si Melody.
 
Sa datos pa ng NSO, ang Kingdom of Saudi Arabia ang may pinakamaraming OFW sa buong mundo. Tatlong beses nang nagtungo rito si Luz Napay, apatnapu’t walong taong gulang. Gaya nina Alona at Melody, namasukan rin siya dito bilang domestic helper. Pero sa loob ng halos sampung taon niyang pangingibang-bansa, mahirap pa rin daw ang kanilang pamumuhay. Ang kinikita nya kasi sa Saudi, walong libong piso lang kada buwan o 250 pesos kada araw, mas maliit pa sa daily minimum wage dito sa Pilipinas.
 
Alamin kung sapat nga ba ang proteksyong ibinibigay ng pamahalaan sa ating mga OFW. Paano masosolusyunan ang kawalan ng oportunidad at trabaho sa bansa na siyang ugat kung bakit napipilitang mangibang-bansa ang ating mga kababayan kahit kakarampot lang din ang kita?
 
Huwag palampasin ang Sektor: Migrants, ngayong Martes, ika-30 ng Abril pagkatapos ng Saksi sa GMA!