ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

e-Lason at mga peste sa niyog, tampok sa 'Reporter's Notebook'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
April 12, 2014
#RNSabado
pagkatapos ng IWitness







E-LASON
Ulat ni Maki Pulido

 
Tinatawag na e-waste ang anumang electronic goods, equipment at gadget na hindi na nagagamit. Ayon sa pag-aaral ng International Labour Organization o ILO, isa ang Pilipinas sa mga bansa na nagiging destinasyon ng mga e-waste mula sa mga bansang Japan, China at Korea. Sa pagpasok sa Pilipinas, kadalasang idinedeklara raw ang mga ito bilang surplus o second hand. Pero ang ilan sa mga kagamitang ito, hindi na maaaring magamit at diretso na sa basurahan. Sa pagpunta ni Maki Pulido sa Tondo, Maynila, nadatnan niya ang hilera ng mga taong nagbabaklas at nagbabasag ng ilang kagamitan gaya ng TV, computer, refrigerator at air-conditioner. Kabilang sa kanila ang magkaibigang Jude, labing-anim na taong gulang at Abet, labing limang taong gulang. Kinukuha nila mula sa mga electronic equipment ang lahat ng pwedeng maibenta sa junk shop gaya ng copper, plastic at bakal. Pero ang hindi alam ng magkaibigan, itinuturing na hazardous o nagtataglay ng nakalalasong kemikal ang ilang bahagi ng mga kagamitang ito.
 
PESTE SA NIYOG
Ulat ni Jiggy Manicad
 

 

 
Sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas at Quezon, isang peste ang unti-unti pumapatay sa mga puno ng niyog. Sa sobrang liit ng mga peste, kailangan pang gumamit ng microscope para makita ang mga ito. Umabot na sa halos isang milyong puno ng niyog ang apektado ng pest infestation ayon mismo sa Philippine Coconut Authority. Kabilang sa mga naapektuhan ang mga pananim ni Mang Daniel, limampu’t dalawang taong gulang. Kung dati raw ay nakakakuha siya ng limampung buko kada araw mula sa kanyang taniman, ngayon ay umaabot na lang sa limang buko. At kung dati ay kumikita siya ng  apat na libong piso kada linggo, ngayon umaabot na lang ito sa walong daang piso. Daing ng mga gaya ni Mang Daniel, hindi raw sapat ang ibinibigay na atensyon ng pamahalaan sa mga gaya nila kaya kumalat nang malawakan ang peste sa kanilang mga pananim.
 
Huwag palalampasin ang mas pinatatag at mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng lipunan at pamahalaan. Abangan ang Reporter’s Notebook sa bago nitong araw, Sabado na, April 12 pagkatapos ng I-Witness.