ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mga batang namumulot ng latak sa dagat, tampok sa 'Reporter's Notebook'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.


REPORTER'S NOTEBOOK
"LATAK SA DAGAT"
June 12, 2014
 
Para sa ilang residente sa Barangay Tangos sa Navotas City, walang madumi at masukal na lugar; lahat kanilang susuyurin at titiyagain makahanap lamang ng pagkaing lalaman sa kanilang mga kumakalam na sikmura. Pero minsan, kahit ang mga nagsusumikap at dumidiskarte, hindi pa rin sapat ang nakukuha.

 
Pagsikat pa lang ng araw at kahit wala pang almusal, abala na sa pagbubuhat ng mga basket na puno ng alamang ang magpinsang Joshua, labing dalawang taong gulang; at Arman, labing tatlong taong gulang. Tumutulong sila sa pagbubuhat ng alamang papunta sa pantalan. Binabayaran sila ng bente hanggang singkuwenta pesos para sa pagbubuhat nila ng buong umaga.
 
 


Bukod sa pagbubuhat ng alamang, pinupulot din nina Joshua at Arman maging ang mga isdang itinapon na sa baybaying dagat na napapaligiran ng basura at dumi ng tao. Puwede na rin daw nilang ulam ang mga makukuhang lamang dagat dito. Bukod sa kanilang dalawa, maraming mga bata pa ang namumulot ng iba’t-ibang lamang dagat sa masukal na baybaying dagat.
 
Ang Pilipinas ang ika-28 bansa sa mundo na may pinaka maraming nagugutom na mamamayan. Sa pag-aaral naman ng Food and Nutrition Research Institute, 69% ng pamilyang Pilipino ang hindi nakakakuha ng sapat na nutrisyon dahil sa kahirapan, kabilang dito ang pamilya nina Joshua at Arman.
 
Huwag palalampasin ang mas pinatatag at mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng lipunan at pamahalaan. Abangan ang Reporter’s Notebook sa bago nitong araw, Huwebes, alas kuwatro ng hapon pagkatapos ng Innamorata.