ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Maternal health care sa bansa, tampok sa 'Reporter's Notebook'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.




July 10, 2014
SINAPUPUNAN
Reporter’s Notebook Special Report


Sa isang barangay sa Caloocan City, inabutan naming pinapausukan ng insenso ng isang hilot ang siyam na buwang buntis na si Sheryl Moral, dalawampu’t tatlong taong gulang. Tubong Leyte ang pamilya ni Sheryl pero lumuwas sila sa Maynila matapos manalanta ang bagyong Yolanda noong nakaraang taon. Dahil kabuwanan na ni Sheryl, araw-araw siyang dinadalaw ni “Aling Aurea,” hindi niya tunay na pangalan. Kilala siyang hilot o nagpapaanak sa kanilang barangay. Walang trabaho ngayon si Sheryl at nakikituloy lang sa kanyang tiyahin kaya kahit may malapit na ospital, pinili na lang niyang hilot ang magpa-anak sa kanya dahil sa kawalan ng pera.

Bukod sa kahirapan, may ilang nagdadalang-tao na kalbaryo rin ang layo ng pasilidad kung saan pwedeng manganak. Halos tatlong oras ang biyahe mula Maynila papunta sa Sitio Manggahan, Barangay Daraitan sa bayan ng Tanay, Rizal. Dito nakatira ang may isang daang pamilya ng katutubong Dumagat. Isa sa mga nakilala namin si Melanie, labing-anim na taong gulang. Hilot din ang pangunahing inaasahan ng mga taga Sitio Manggahan dahil dalawang oras pa ang layo ng kanilang health center. Isang beses lang din sa isang linggo kung magpunta ang midwife sa kanilang center.

Taong 2000 nang lumagda ang Pilipinas kasama ang ibang bansa sa Millenium Development Goals o MDG ng United Nations. Kabilang sa walong MDG ang pagbabawas ng bilang ng maternal deaths o pagkamatay ng mga ina habang nagbubuntis at nanganganak. Dito sa Pilipinas, itinakdang maibaba ang maternal mortality rate mula 209 deaths sa bawat 100,000 buntis  noong 1993 sa bilang na 52 sa 2015. Pero tila malayong maabot ito, dahil sa pinakahuling tala ng United Nations, 162 sa bawat isang daang libong buntis ang namamatay sa bansa.
 
Huwag palalampasin ang mas pinatatag at mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng lipunan at pamahalaan. Abangan ang Reporter’s Notebook sa bago nitong araw, Huwebes, alas kuwatro ng hapon pagkatapos ng Dading.