ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mahal na gamot sa bansa, tututukan ng 'Reporter's Notebook'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Gamot
Reporter's Notebook
Huwebes, Pebrero 19
4:35 PM sa GMA-7



Sa Pilipinas, lima hanggang tatlumpung beses na mas mahal ang gamot kung ihahambing sa ilang bansa sa Asya. Kaya hindi nakapagtatakang walo hanggang siyam sa bawat sampung Pilipino ang hindi makabili ng gamot, ayon sa isang pag-aaral. Taong 2008 nang maisabatas ang isang panukalang magpapababa sa presyo ng gamot sa bansa : ang Cheaper Medicines Law. Pero makalipas ang pitong taon, bakit nga ba hindi pa rin maabot ng marami sa ating mga kababayan ang presyo ng mga kailangang gamot?
 
 
Naabutan naming hinahati na lang ni Aling Rebecca ang gamot ng kanyang asawang si Mang Wilfredo Galon, limampu’t limang taong gulang. 2010 nang ma-stroke si Mang Wilfredo at lalo pang nagpapahirap sa kanya ang sakit na diabetes. Umeekstra lang sa paglalabada si Aling Rebecca kaya madalas, hinihingi na lang nila sa iba’t ibang health center ang kailangang gamot ni tatay. Pero sa ngayon, pang-tatlong araw na lang ang gamot ni Mang Wilfredo dahil wala pa silang pambili. Isa lang sa mga kailangang gamot ni tatay ang sakop ng Cheaper Medicines Act.
 
 
 

Nilagang luya at dahon ng guyabano naman ang ginagawang gamot ni Aling Dolores Talavera, limampu’t limang taong gulang at may stage 3 colon cancer. Dahil walang pambili ng medisina, sa ganitong paraan na lang muna siya umaasa para maibsan ang sakit na nararamdaman. Bukod sa kanser, may hypertension at diabetes din si Aling Dolores. Lima lang sa labing-isang kailangang niyang gamot ang sakop ng Cheaper Medicines Act.
 
 
Ang malungkot, kahit sakop ng batas ang ilan sa mga kailangang gamot nina Mang Wilfredo at Aling Dolores, wala pa ring kasiguruhan na mabibili nila ang mga ito dahil na rin sa kakapusan.
 
Huwag palalampasin ang mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng pamahalaan at lipunan sa Reporter’s Notebook, Huwebes, 4:30 ng hapon pagkatapos ng Kailan Ba Tama ang Mali?