ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Benepisyo para sa mga senior citizen, sisiyasatin ng 'Reporter's Notebook'


HAPO SA DAPITHAPON
Reporter’s Notebook Special Report
August 27, 2015
Hindi pa man sumisikat ang araw, nagsisimula nang magbanat ng buto ang pitumpu’t limang taong gulang na si Lolo Marciano Ricardo. Binabaybay niya ang kabahaan ng Caloocan, Tondo at Divisoria para makapagtinda ng iced buko at iced candy. Sa tindi ng init, minsan na raw siyang nabuwal habang inilalako ang paninda. Ibang hirap din kapag bumuhos naman ang malakas na ulan. Ang kinikita niyang isang daang piso kada araw, ipinambibili niya ng gamot para sa kanyang altapresyon. Pumanaw na ang asawa at tatlong anak ni Lolo Marciano. Kasama niya sa maliit nilang barong-barong ang isa pa niyang anak.



Si Lolo Hercorano Padilla, animnapu’t pitong taong gulang, pagmamaneho naman ng pedicab ang pinagkakaabalahan sa araw-araw. Bakas ang hirap at panginginig ng kanyang katawan sa bawat padyak niya sa kanyang pedicab. Mag-isa na lang siya sa Maynila dahil nasa probinsya ang mga kaanak niya kaya kailangan niya itong gawin para mabuhay.


Nakasaad sa Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 na kailangang mabigyan ng limang daang pisong pinansyal na tulong kada buwan ang mga mahihirap na senior citizen sa bansa. Senior citizen ang sinumang may edad na animnapung taong gulang pataas. Pero sina Lolo Marciano at Lolo Hercorano, wala pa ring natatanggap. Nakasaad naman sa RA 10645 na mandatoryong mabibigyan ng Philhealth card ang mga senior citizen sa bansa. Pero wala pa rin nito sina Lolo Marciano at Hercorano. Naibibigay nga ba ang mga benepisyong dapat na natatamasa ng mga senior citizen sa bansa?

Huwag palalampasin ang “Hapo sa Dapithapon” ngayong Huwebes, 4:45 ng hapon pagkatapos ng Healing Hearts.
More Videos
Most Popular