ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Lumalalang trapiko sa bansa, sisiyasatin ng 'Reporter's Notebook'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

TRAFFIC REPUBLIC
REPORTER’S NOTEBOOK SPECIAL REPORT
DECEMBER 17, 2015

Kahit saan at kahit kalian, tila wala nang pinipiling oras o lugar ang lumalalang traffic sa Metro Manila. Mula pagpasok sa trabaho o eskwela hanggang sa pag-uwi, kalbaryo ito ng marami sa ating mga kababayan. Minsan nang sinabi ng Waze, isang GPS-based navigation application, na ang Metro Manila ang may “worst traffic” sa buong mundo base sa ginawang survey sa mga app users. Ibinase ito sa bigat ng trapiko, kalidad ng mga kalsada at imprastraktura at kaligtasan ng mga driver at pasahero. Ayon sa MMDA, aabot na sa 391,680 na sasakyan ang bumabagtas ngayon sa EDSA, malayo sa 288,000 na carrying capacity nito. At ngayong Kapaskuhan, inaasahang madaragdagan pa ito ng dalawampung porsyento o 65,280 na mga sasakyan.

Hindi biro ang epekto ng binubunong traffic ng marami sa Kamaynilaan. Ayon sa report ng Japan International Cooperation Agency, nasa 2.4 bilyong piso kada araw o 1.2 trilyong piso kada taon ang nawawala sa ekonomiya dahil sa matinding traffic. Kasama na rito ang nawawalang kita ng mga driver ng mga pampasaherong sasakyan, mga produktong hindi naidedeliver sa takdang oras at maging ang oras ng mga pumapasok sa trabaho. Sa tagal ng problema ng buhol-buhol na traffic, may mga nauna nang solusyon gayan ng MRT. Pero sa mga nakalipas na taon, sa halip na ginhawa ay perwisyo ang inabot ng ilang pasahero habang sakay ng MRT.

Kung tutuusin, may ilang proyekto sana na makatutulong upang maibsan ang trapiko sa Kalakhang Maynila at mga karatig na lugar. 1995 pa lang, pinagpaplanuhan na ang North Luzon Railways o Northrail project. Pagdudugtungin nito ang Caloocan hanggang Clark, Pampanga. Taong 2003 sinimulan ang konstruksyon nito pero bigla itong ipinatigil noong 2011. Nakagastos na ang gobyerno ng sampung bilyong piso para sa pagtatayo ng ilang bahagi nito. Sa tagal ng pagkakatengga ng proyekto, napaligiran na ito ng mga talahib na halos kasing taas na ng pundasyon.

Paano maiibasan ang pasakit at kalabaryong dulot ng matinding trapiko sa bansa?Huwag palalampasin ang Reporter’s Notebook Special Report ngayong Huwebes, December 17, 5:20 ng hapon pagkatapos ng Destiny Rose.