Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kaso ng mga batang lulong sa solvent, tututukan ng 'Reporter's Notebook'


 

LASONG LIKIDO
Huwebes, Pebrero 4
5 PM sa GMA-7

 



Sa baba ng isang foot bridge sa Quezon City, namataan ng Reporter’s Notebook ang isang grupo ng kabataan. Sa surveillance video makikita na panay ang singhot sa hawak nilang panyo at supot na pinuno ng solvent.  Nakunan pa sa surveillance camera na nagtatakalan at naghahati sa solvent ang dalawang bata, halatang lutang at wala na sa sarili matapos suminghot ng solvent. Ang malungkot, sa tinagal-tagal na ng ganitong senaryo, tila naging normal na ito para sa mga otoridad at maging sa mga nakakakita. Tila pinabayaan ang mga bata na unti-unting malulong sa nakalalasong likido.

 


Nakilala namin ang pinakabatang miyembro ng grupo na itatago namin sa pangalang “Joel,” sampung taong gulang. Maliit at payat ang pangangatawan ni “Joel”. Ang nakababahala, limang taong gulang pa lang siya nang magsimulang suminghot ng solvent. Namatay na ang ama ni Joel at tila napabayaan na rin siya ng kanyang ina. Kaya imbes na umuwi sa kanilang bahay, kalye ang kanyang naging kanlungan.

 


Mapanganib ang epekto ng solvent sa murang katawan ng mga bata. Diretso ang epekto nito sa kanilang mga utak na maaaring magdulot ng mas malalang pinsala sa katawan habang tumatagal ang paggamit nila nito. Ilan lang dito ang anemia, malnutrisyon at pagpurol ng memorya.

 


Kung pagbabatayan ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act 9165, wala sa listahan ng dangerous drugs ang mga inhalant gaya ng solvent. Pero kung tutuusin, 1979 o panahon pa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, problema na ang pagkalulong sa solvent. Ipinagbawal na noon pa mang 1970s ang pagbebenta ng nakalalasong kemikal sa mga menor de edad. Pero tila hindi naman ito nasusunod. Dahil hanggang ngayon, walang takot at lantaran ang pagbebenta ng solvent sa mga bata. Nakunan ito ng Reporter’s Notebook sa isang lugar sa Maynila..

Huwag palalampasin ang “LASONG LIKIDO” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, February 4, sa bago nitong oras 5:00 ng hapon pagkatapos ng Destiny Rose.