ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kalagayan ng pinakamahirap na lugar sa Pilipinas, susuriin ng 'Reporter's Notebook'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa tradisyon ng paghahatid ng mga makabuluhang election special report, ngayong taon hatid ng 2016 New York Festivals Bronze World Medalist--Reporter’s Notebook ang dalawang natatanging ulat na magmumulat sa tunay na kalagayan ng bansa. Sa unang pagtatanghal, tinungo namin ang itinuturing na pinakamahirap na lugar sa bansa. Tunghayan ang kalbaryong araw-araw na dinaranas at hinaharap ng mga residente ng Barangay Mayaman, Marogong, Lanao del Sur.

 


BARANGAY MAYAMAN
APRIL 28, 2016

 

Kabaligtaran ng kanyang pangalan, ang Barangay Mayaman ang isa sa pinakamahirap na lugar sa bansa. Salat sa maraming pangunahing pangangailangan at maging sa mga imprastraktura ang barangay. Dito nakilala ng Reporter’s Notebook si Mawiuag Moslemen, panganay sa tatlong magkakapatid. Sampung taong gulang na si Mawiuag pero hindi pa rin siya nakakapagsalita. Hindi rin siya makalakad o makagalaw ng mag-isa. Kaya tutok ang kanyang mga magulang sa pag-aalaga sa kanya. Ni  minsan, hindi pa siya nadala sa ospital o naipatingin sa espesyalista. Polio ang pinaniniwalaang sakit ni Mawiuag.

 

Walang health center sa Barangay Mayaman. Ang pinakamalapit, dalawang oras pa ang layo. Dapat sana ay may iniinom na gamot si Mawiuag dahil may mga pagkakataong bigla na lang siyang nangingisay. Pero wala naman silang health center kaya wala ring gamot para sa kanyang kondisyon. Hindi rin naman sapat ang kinikita ng kanyang ama na si Mang Alano mula sa pagkokopra kaya hindi siya makabili ng gamot.

 

Nais mang ibaba sa bayan ng kanyang ama si Mawiuag, hindi naman biro ang kanilang daraanan. Malubak, maputik at walang kongrektong kalsada sa Barangay Mayaman. Dagdag hirap pa ang ilog na kailangang bagtasin lalo na kapag malakas ang ulan. Ang tanging paraan para makatawid, isang tulay na may ilang pirasong kable. Isang maling apak, maaaring kang mahulog at tangayin ng tubig.

 

Paano nga ba malulunasan ang kahirapan at kasalatan sa Barangay Mayaman?

 

Huwag palalampasin ang “BARANGAY MAYAMAN,” ngayong April 28, 2016, 11:35 PM sa 2016 New York Festivals Bronze World Medalist -- Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA-7.