Pamilyang todo-kayod pero hikahos pa rin, tampok sa 'Reporter's Notebook'

Todo-Kayod
Huwebes, May 19
11:35 PM sa GMA-7
_2016_05_19_13_20_08.jpg)
Sa Barangay 67, Anibong, Tacloban City, nakilala ng Reporter’s Notebook ang pamilya ni Bebong, labing tatlong taong gulang. Mula umaga hanggang gabi, wala silang tigil sa pagkayod at pagdiskarte. Pero sa kabila nito, hirap pa rin silang makaahon.
_2016_05_19_13_20_59.jpg)
Alas tres pa lang ng umaga, nagbabanat na ng buto ang ama ni Bebong na si Mang Hesus. Galon-galong tubig ang pasan niya sa bawat balikat habang umiikot sa barangay. Tatlong piso ang bayad sa kanya kada limang galon ng tubig. Sa kabila ng kanyang edad, kailangan pa rin daw magtrabaho ni Mang Hesus para may makain ang kanyang pamilya. Pabalik-balik siya sa balon. Bukod kasi sa kailangan niyang makarami ng iniigib na tubig, kailangan niyang magmadali dahil nawawalan ng tubig ang balon.
_2016_05_19_13_21_43.jpg)
Para makatulong sa pamilya, sumasama naman si Bebong sa kanyang tiyuhin sa pagpalaot sa dagat. Namamana sila ng isda at iba pang lamang dagat. Isang daang piso ang pinakamalaking parte niya kapag nakakahuli sila ng maraming isda. Bukod dito, sumisisid din si Bebong para makakuha naman ng mga shell na pwedeng ibenta at kainin. Ang nanay naman ni Bebong na si Aling Lolita, paglalabada ang kabuhayan.
_2016_05_19_13_22_31.jpg)
Ayon sa 2015 Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority, umabot na sa mahigit tatlumpu’t pitong milyon ang work force sa buong bansa. Halos apatnapung porsyento nito o mahigit labing-apat na milyon ang nasa informal sector o nasa maliliit na kabuhayan kung saan ang mga madalas na nagtatrabaho ay magkakamag-anak. Sila ang mga may maliit o kadasalan walang kapital gaya ng pamilya nina Mang Hesus at Bebong.

Pero bakit nga ba sa kabila ng pagiging masipag at madiskarte nina Mang Hesus, hindi pa rin sumasapat ang kanilang kita?
Huwag palalampasin ang “Todo-Kayod” ngayong May 19, 11:35 PM sa 2016 New York Festivals Bronze World Medalist - Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA-7.