ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kalagayan ng mga paaralang sinunog sa Lanao del Sur, sisiyasatin sa 'Reporter's Notebook'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa kasagsagan ng eleksyon nitong Mayo 2016, sinunog ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang pitong paaralan sa Lanao del Sur. Tatlong buwan matapos ang eleksyon, may mga naluklok nang bagong pinuno, pero ang mga estudyante at guro, patuloy na nahihirapan  at nagtitiis dahil sa kawalan ng maayos na silid.


Ang silid-aralan nina Nornaila, sampung taong gulang at grade 5 student, halos maabo at wala nang matira. Labing-dalawang classroom ang sinunog dito sa Diwang Elementary School. Makikita pa ang ilang bahagi ng kanilang mga nasunog na aklat. Ang dating maingay na mga classroom, ngayo’y balot ng katahimikan.


Dahil sunog na ang classroom nina Nornaila, dito sila sa mga tent nagkaklase sa kasalukuyan. May apat na tent na ibinigay ng isang non-government organization. Apatnapung estudyante ang nagkaklase sa bawat tent. Walang maayos na sahig ang pansamantala nilang silid-aralan at kapag umuulan napupuno raw ito ng tubig at putik. Bukod sa kawalan ng maayos na silid, wala ring mga libro ang mga bata.


Panghihinayang rin ang nararamdaman ng mga estudyante at guro ng Ragayan Elementary School sa bayan ng Ragayan, Lanao del Sur. Sinunog din ang labing limang silid-aralan ng nasabing paaralan. Nasaksihan pa ni Rahim,grade 6 student habang nilalamon ng apoy ang kanilang silid. Mga bata mula grade 1 hanggang grade 6 ang nawalan ng silid. Kaya naman sa gym pansamantalang nag-aaral ang mga estudanyente. Dahil dingding lang ang pagitan ng mga makeshift classroom, halos hindi na magkarinigan ang mga estudyante at guro habang nagkakaklase. Wala ring upuan ang karamihan ng mga estudyante pero patuloy pa rin sa pagsisikap na matuto.


Mapanagot pa kaya ang gumawa ng panununog sa mga silid-aralan? Hanggang kailan magtitiis ang mga batang gaya nina Nornaila at Rahim?


Abangan ang special report na “PANGARAP SA ABO,” ngayong September 1, 2016, 11:35 pm sa 2016 New York Festivals Bronze World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.