ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pagkamatay ni Mayor Rolando Espinosa, sisiyasatin sa 'Reporter's Notebook'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nitong Sabado, bandang alas kwatro ng madaling araw, habang nasa loob mismo ng kanyang selda sa Baybay City Sub-Provincial Jail sa Leyte, napatay si Mayor Rolando Espinosa Sr. Hahainan umano ng search warrant si Mayor Espinosa ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG-Region 8 matapos umano silang makakuha ng impormasyon na may itinatagong armas ang alkalde sa kulungan. Pero bigla umanong nanlaban si Espinosa kaya pinagbabaril siya ng CIDG. Apat na tama ng baril ang tinamo ng alkalde, dalawa sa dibdib at dalawa sa tiyan. Kasamang napatay sa loob ng kulungan ang drug suspect na si Raul Yap, na may hiwalay umanong search warrant. Nakuha umano sa mga selda nina Espinosa at Yap ang kani-kanilang baril, ilang sachet na pinaniniwalaang may lamang shabu at mga drug paraphernalia.


August 2, bago pa man ilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang listahan ng mga opisyal ng gobyerno na diumano’y sangkot sa droga, una nang nagtungo si Mayor Espinosa sa Camp Crame para sabihin na hindi siya kundi ang anak na si Kerwin ang sangkot sa ilegal na droga. August 3, isang engkuwentro ang naganap sa pagitan ng mga tauhan ng mga Espinosa at pulis sa kanilang compound sa Albuera, Leyte. Anim sa tauhan ni Kerwin ang nasawi. August 24, pinatay rin ang abogado ni Espinosa na si Rogelio Bato sa Tacloban City. Napatay rin ang ng abogado na labing limang taong gulang na babae. September 30, binaril at napatay rin ang dating live-in partner ni Espinosa na si Annalou Llaguno.  October 5 nang arestuhin si Espinosa kaugnay ng labing-isang kilo ng shabu na nakuha sa kanilang ancestral house. Nagsumite umano ng affidavit si Espinosa na naglalaman ng pangalan ng apatnapu’t siyam na opisyal ng gobyerno na protektor umano ng kanyang anak na si Kerwin.


Isang testigo ang nakapanayam ng GMA News na nagsabing nakita niyang nakiusap pa si Mayor Espinosa sa mga tauhan ng CIDG na huwag siyang taniman ng kontrabando pero bigla na lang daw pinagbabaril si Espinosa. Iginiit rin ng testigo na walang baril si Espinosa kaya laking pagtataka niya kung paano nagkaroon ng baril sa kanyang nakahandusay at duguang katawan.


Huwag palalampasin ang NANLABAN O PINATAY?, ngayong November 10, 2016, 11:35 pm sa 2016 New York Festivals Bronze World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.