Pag-balik 'Pinas ng mga biktima ng sexual trafficking, tampok sa 'Reporter's Notebook'
_2018_03_22_12_42_23.jpg)
Sa isang isla sa Sabah, ilang Pilipino ang nabibiktima ng sexual trafficking. Sex slave kung ituring sila dito. Pinangakuan sila ng legal na trabaho pero pagdating sa Sabah, sila’y ikinakandado, ibinebenta ang katawan at paulit-ulit na inaabuso.
Kabilang sa nabiktima ng sex traffickers sina Chona, Loida at Gemma, hindi nila mga tunay na pangalan. Gaya ng ibang biktima, pinangakuan sila ng magandang trabaho sa Sabah. Kwento nila, mula Maynila, dinala sila ng recuiter sa Brooke’s Point sa Palawan. Mula Palawan, isinakay sila sa isang bangka at bumiyahe ng pitong oras hanggang makarating ng Sabah. Pagdating dito, sa halip na pagiging waitress, ipinasok sila sa mga bar at pub. Ang mas masaklap, dahil wala silang mga dokumento, hinuli at ikinulong sila ng Malaysian authorities.
Para ilapit ang kaso nina Chona, Loida at Gemma, sinubukan naming makipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas sa Malaysia. Kaagad naman silang binigyan ng abogado at tinutukan ang kanilang kaso. At nito lamang March 2, tuluyang nakabalik ng bansa ang grupo nina Chona.
Pero hindi lang sa Sabah nangyayari ang pang-aabuso sa ating mga kababayan. Dahil sa iba’t-ibang panig ng mundo, ilan pang Overseas Filipino Workers o OFWs ang nakaranas ng kalupitan at pang-aabuso.
Huwag palalampasin ang natatanging ulat na “PAGKATAKAS SA KALBARYO” ngayong March 22, 2018, 11:35 pm sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.