ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mga paglabag sa Clean Water Act, tatalakayin sa 'Reporter's Notebook'


WASTEWATER
AUGUST 2, 2018
ULAT NINA MAKI PULIDO AT JUN VENERACION

Nito lang nakaraang linggo, kumalat ang video at larawan ng isang bahagi ng Biñan River na nagkulay pula. Konektado ang Biñan River sa Laguna Lake kaya inimbestigahan ng Laguna Lake Development Authority o LLDA ang insidente. Natuklasan nilang galing sa isang pabrika ang wastewater na direktang itinapon sa ilog. Malinaw na paglabag ito sa Clean Water Act.

Naging malaking isyu naman ang problema sa sewerage system at pagtatapon ng maruming tubig direkta sa karagatan ng Boracay. Ipinasara ang Boracay para isaayos ang sewerage system ng isla. Pero ayon mismo sa MWSS, “10 times worse” ang problema ng wastewater o sewage dito sa Metro Manila. Ang tanong, may hakbang din bang ginagawa para magkaroon ng maayos na wastewater treatment facilities sa NCR kung saan nakatira ang halos labing limang porsyento ng ating kabuuang populasyon?

Sa pag-aaral ng Environmental Management Bureau ng DENR noong 2015, lumabas na 10% lang ng ating wastewater ang dumadaan sa wastewater treatment facility, at 5% lang ng kabuuang populasyon ang konektado sa sewerage network o wastewater treatment plant. Karamihan sa domestic wastewater, direktang itinatapon sa iba't ibang bodies of water.

Ang ilang freshwater sources gaya ng Laguna Lake, pinagkukunan din natin ng inuming tubig. Paliwanag ng DENR, habang dumudumi ang pinagkukunan ng tubig, mas tumatagal at humahaba rin ang proseso ng paglilinis nito bago makarating sa mga bahay. Kaya naman mas lumalaki rin ang binabayaran ng mga konektado sa mga water concessionaire.

At habang dumudumi ang pinagmumulan ng ating tubig, may ilang lugar naman sa bansa na hirap makakuha ng malinis na tubig inumin.

Abangan ang mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng bayan sa “WASTEWATER” ngayong August 2, 2018, 11:35 pm sa 2018 New York Festivals Bronze World Medalist at 2018 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.