Mga programa ng gobyerno para sa senior citizens, sisiyasatin sa 'Reporter's Notebook'
8-TIME NYF WORLD MEDALIST
2018 USIFVF SILVER SCREEN AWARDEE

DAPIT-HAPON
Ngayong May 16, 2019


Sa ilalim ng init ng araw, nakikipagsabayan si Lola Rosa sa mga sasakyan sa kalsada sa Pampanga. Sa kanyang edad na walumpu’t apat, nangangalakal pa rin ng basura si Lola Rosa para kumita. Hirap nang makalakad, baluktot na rin ang kanyang likuran. Pagdating sa bahay, mas naintindihan namin kung bakit nagsisikap pa rin siya sa kabila ng kanyang edad. Namatay sa sakit na hika ang dalawang anak ni Lola Rosa. Limang dekada naman na mula nang mamatay ang kanyang asawa kaya mga apo na lang ang itinuturing niyang pamilya. At para sa kanila, pursigido pa rin si Lola Rosa na kumita ng pera. Dahil buong buhay niya ay nasa informal sector si Lola, hindi naman siya nakabayad ng kontribusyon sa SSS o Social Security System.


Sa nakalipas na labing tatlong taon mula nang mag-retiro bilang security guard, ang pagtitinda ng ice candy at ulam ang naisip na paraan naman ng pitumpu’t dalawang taong gulang na si Lola Ester para kumita. Kahit matindi ang sikat ng araw, hindi mababakas kay Lola Ester ang hirap at pagod. Araw-araw, kailangan din niyang makipagsabayan sa mga sasakyan sa daan.

Parehong may social pension naman mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD sina Lola Rosa at Lola Ester, pero hindi raw ito sapat kaya kailangan nilang magbanat ng buto para matustusan ang kanilang mga pangangailangan. Dagdag isipin pa kung saan nila kukunin ang panggastos sakaling sila’y magkasakit.
Sapat ba ang mga programa ng pamahalaan para matugunan ang pangangailangan ng mga nasa dapithapon na ng kanilang mga buhay?
Abangan ang “DAPIT-HAPON” ngayong May 16, 2019, 11:35 pm sa 2018 New York Festivals Bronze World Medalist at 2018 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.