ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Sinking towns sa Pilipinas, bibisitahin sa 'Reporter's Notebook'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

8-TIME NYF WORLD MEDALIST
2018 USIFVF SILVER SCREEN AWARDEE

THE TOWN IS SINKING
August 8, 2019


Kasama ng ibang estudyante mula sa Sitio Pariahan, Barangay Taliptip, Bulakan, Bulacan, araw-araw sumasakay ng bangka si Deejay papasok sa kanilang eskwelahan sa Obando. Kwarenta pesos ang ibinabayad nilang pamasahe. Ang masaklap, kapag masama ang panahon, napipilitan daw silang mag-absent sa klase. Kung tutuusin, may eskwelahan naman sanang malapit sa kanila. Meron nga lang problema.



Ito na ang hitsura ng paaralan ngayon: pader na lang ang natira, wala nang bubong at mga bintana. Kwento ni Deejay, nakapag-aral pa siya sa eskwelahan dito sa Sitio Pariahan mula kinder hanggang grade 3 pero unti-unti raw itong lumubog sa tubig.



Maging ang kanilang simbahan, mistulang nilamon na rin ng tubig.



Kwento ng residenteng si Aling Benedicta, naabutan pa niya noong litaw pa ang mga pilapil at nalalakaran pa ang lupa sa Sitio Pariahan. Pero sa nakalipas na walong taon, unti-unti raw lumubog ang kanilang mga bahay. Katunayan, ikalawang palapag na ng bahay ang tinutuluyan nila ngayon. Dahil ang buong first floor, lubog na.



Sa pag-aaral na ginawa ng University of the Philippines - National Institute of Geological Sciences o UP-NIGS, isang natural na proseso ang nangyayaring paglubog ng lupa o tinatawag na land subsidence sa Barangay Pariahan. Pero ang problema ayon sa UP-NIGS, kumpara sa ibang bansa na milimetro lang ang ibinababa ng lupa kada taon, sa Metro Manila at mga karatig probinsya, nasa dalawa hanggang tatlong sentimetro kada taon daw ang pagbaba ng lupa. Isa ang probinsya ng Bulacan sa mga lugar na naitalang may mabilis na pagbaba ng lupa. Nasa lima hanggang anim na sentimetro kada taon ang nangyayaring land subsidence dito.



Hindi nalalayo sa Sitio Pariahan ang sitwasyon sa Barangay Lawa sa Obando, Bulacan. Sa unang tingin, aakalaing lawa ang lugar pero may mga bahay sa gitna ng tubig.



Ang residenteng si Mang Rodolfo, lubog na rin ang unang palapag ng bahay. Ang ibang residente, gumagamit na ng balsa para makauwi sa kanilang mga bahay. Ano nga ba ang dahilan ng mabilis na pagbaba ng lupa sa ilang lugar? May magagawa pa ba para mapigilan ito?

Abangan ang kabuuang ulat ngayong August 8, 2019 11:35 pm sa 2018 New York Festivals Bronze World Medalist at 2018 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.