Mga jeepney driver, paano naapektuhan ng pandemya?

PASADA
HUWEBES, OCTOBER 22, 2020
10:30 PM SA GMA NEWS TV

Sa pagtigil ng mundo dahil sa pandemya, tumahimik ang mga kalsadang minsa’y pinagharian ng mga jeepney. Unti-unti mang nakababalik pasada ang ilan sa kanila, may mga jeepney driver na naghihintay pa rin. Kukumustahin ng Reporter’s Notebook ang ilan sa kanila para malaman ang kanilang naging kalagayan at sitwasyon sa kasalukuyan.


Sa loob ng higit kalahating taon, sa loob ng isang jeepney nanirahan ang pamilya ni Mario Balmes, 40 taong gulang. Kasama niya rito ang asawa at dalawang anak. Nang magsimula ang lockdown, natigil din ang pasada ni Mario kaya nawalan siya ng kita. Dahil walang pambayad ng upa, napaalis sila sa tinutuluyang bahay.

Para makaraos sa araw-araw, namasukan si Mario bilang tagalinis ng manok sa isang palengke sa Sampaloc, Manila. Nag-iipon daw siya ng pang-upa hanggang ngayon.

Kababalik lang sa biyahe ni Mang Bert Lanario, 56 taong gulang. Tatlong beses lang kada linggo muna sila pinapayagang magbiyahe dahil na rin sa banta ng virus.

Sa kabila ng peligro, kailangan niyang pumasada dahil ang kanyang asawang si Marissa, may stage 2 colon cancer. Ang bawat baryang kinikita, iniipon niya para sa chemotherapy at iba pang kailangan ng kanilang pamilya
Abangan ang kanilang kwento sa “PASADA” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, October 22, 10:30pm sa POWERBLOCK ng GMA News TV.