Handa na ba ang Pilipinas para sa mass vaccination kontra-COVID-19?

REPORTER'S NOTEBOOK: DEPENSA SA PANDEMYA
HUWEBES, FEBRUARY 4, 2021
11:30 PM SA GMA-7

Mahigit isang taon na mula nang makumpirma ang kauna-unahang kaso ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa Pilipinas. Sa ilang mga bansa, nagsisimula na ang vaccination laban sa COVID-19. Ang tanong, kailan nga ba darating ang mga bakuna para sa Pilipinas? At ano ang ginagawang paghahanda ng pamahalaan para sa gagawing mass vaccination?

Malalim ang dahilan kung bakit hindi nagdalawang-isip na magpabakuna ng COVID-19 vaccine ang nurse sa Amerika na si Marcial.

Nag-agaw-buhay si Marcial noong March 2020 matapos magpositibo sa COVID-19. Ang masaklap, nag-positive din ang kanyang asawa at limang taong gulang na anak. Nitong January 7, nabakunahan na siya ng second dose ng vaccine mula sa Pfizer. Libre rin niya itong nakuha.

Ang OFW naman sa Dubai na si Jharry, 24 taong gulang, idinokumento ang pagbakuna sa kanya ng Sinopharm vaccine. Libre ito para sa lahat ng may residence ID ng United Arab Emirates o UAE gaya ni Jharry. Kung siya ang tatanungin, gusto niyang mabakunahan din ang kanyang mga kaanak dito sa Pilipinas.



Ang mga COVID-19 vaccine na ginawa ng Pfizer, Moderna, Astrazeneca, Sputnik, Sinovac at Sinopharm ang maituturing na “fastest vaccines ever developed” sa kasaysayan ng mundo. Iba-iba ang sinasabing efficacy rate ng bawat bakuna.

Sa survey na ginawa ng Pulse Asia noong November 23 hanggang December 2, 2020, 47% na mga Pinoy ang nagsabing hindi raw magpapaturok ng COVID-19 vaccine. Kaya ang Department of Health, nagpapakalat na ng tamang impormasyon tungkol sa bakuna.

Ang ilang mga local government unit, naghahanda na rin sa pagdating ng mga bakuna. Bahagi nito ang pagkakaroon ng approved vaccination plan. Kasama rito ang information campaign, pagkakaroon ng masterlist ng mga prayoridad na mabakunahan, saan gagawin ang vaccination at pagkakaroon ng cold storage facilities na pag-iimbakan ng vaccines.

Ayon sa National Task Force against COVID-19, 1.38 billion dollars ang funding ng Pilipinas para sa vaccine. 146-148 million doses ng COVID-19 vaccine ang under procurement at target mabakunahan ang 76 million adult Filipinos.
Abangan ang “DEPENSA SA PANDEMYA” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, February 4, 2021 11:30 PM sa GMA-7 pagkatapos ng Saksi.