Mga pagsubok sa loob ng isang taon ng distance learning
REPORTER'S NOTEBOOK
"SIGNAL"
MAY 27, 2021
Sa San Francisco, Quezon, naghahanap ng signal sina teacher Michelle Ursabia at ilang kapwa niya guro. Para makasagap ng internet, ipinasok nila sa isang lagayan ang pocket wifi, isinabit sa lubid, at iniangat ito sa tuktok ng isang puno. Kailangan nilang gawin ito para makapag-online at makausap ang ilan nilang katrabaho. Teacher-in-charge ngayon si Michelle sa Viva Antipolo Elementary School sa Quezon.

Sa sumunod na araw, umakyat naman ng bundok sina teacher Michelle para doon humanap ng mas malakas na signal. Kailangan kasi nilang daluhan ang isang webinar ng Department of Education. May dala na rin silang pagkain habang nasa itaas ng bundok.

Dahil nasa distance learning ang kanilang mga estudyante, ginagawa rin nina teacher Michelle ang home visitation para masubaybayan ang pag-aaral ng mga bata. Kabilang sa mga pinupuntahan nila ang mga nakatira sa pinakamalalayong lugar. Ang isa sa problema nila ngayon, may mga magulang na hindi natututukan at naiintindihan ang mga module kaya hirap rin silang maturuan ang mga anak.

Sakaling bumalik sa face to face classes, problema naman nina teacher Michelle ang pagkasira ng kanilang mga silid-aralan matapos tumama ang malalakas na bagyo noong nakaraang taon. Isa-isa nilang ibinilad sa araw ang mga module at learning materials na nabasa ng ulan. Nasira rin ang ilan sa computer set na ginagamit nila.

Sa pagtitimpla naman ng gatas nagsisimula ang araw ng 21 taong gulang na si Margaret Brosas. Bukod sa pagiging nanay sa dalawang taong gulang na anak, grade 12 student ngayon si Margaret sa Bangkulasi Junior and Senior High School sa Navotas City. Kahit hirap, pilit niyang pinagsasabay ang pag-aalaga sa anak at pag-aaral. Dahil online ang kanilang klase, humiram muna ng cellphone si Margaret. Mabuti na lang at pumayag ang isang kapitbahay na maki-connect siya sa internet na babayaran nila buwan-buwan.
Halos isang taon matapos ipatupad ang distance learning dahil sa pandemya, kumusta na nga ba ang mga guro at estudyante ng Batch 2021?
Abangan ang buong kuwento sa “SIGNAL" sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, May 27, 2021 11:30pm sa GMA-7 pagkatapos ng Saksi.