Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Kalye kainan' at 'Bangis ng rabies,' ngayong Linggo sa Reporter's Notebook


 


 

KALYE KAINAN

MARCH 13, 2022 / LINGGO / 9:15PM SA GTV

 


Bida sa ilang kalsada sa bansa ang mga pagkaing patok sa panlasa at bulsa ng mga Pinoy. Pero ngayong nagbabanta ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, paano kaya naaapektuhan ang kanilang paninda?

 

Isa sa dinarayong kainan sa Quiapo, Maynila ang mainit na sotanghon ni Nanay Rosa. 50 pesos ang benta sa bawat serving ng sotanghon pero kung bitin ka, pwede ring tikman ang kanilang sotanghon overload na may fried pork belly, gulay at itlog sa halagang 70 pesos.

 

Ilang metro lang mula sa famous sotanghon ni Nanay Rosa, matatagpuan naman ang lugawan  ni Eddie Dizon. Sa halagang bente pesos, solve ka na raw sa sarap ng plain lugaw. Pero kung mahilig ka sa challenge, subukan ang lugaw overload na may puso ng baka, isaw ng baka, twalya at balat ng baka at itlog sa halagang 200 pesos.
 

 


Kung busog ka na sa mainit na sotanghon at lugaw, magpalamig naman tayo sa pinipilahang halo-halo nina Emma na matatagpuan lang sa Quinta Market sa Quiapo. Halos umapaw na sa dami ng sangkap ang kanilang halo-halo na mabibili sa halagang 60 pesos. 

 

Bukod sa ipinagmamalaki nilang overload halo-halo, dinarayo rin dito ang kanilang pancit palabok na mabibili naman sa halagang 70 pesos. Sa dami ng gustong makatikim ng kanilang best sellers, umaabot hanggang kalsada ang pila ng mga customer.

 



Lahat sila hindi nakaligtas sa epekto ng pandemya. Pero hindi pa man daw sila nakakabawi sa mga nalugi dahil sa pandemya, panibagong pagsubok sa kanila ang nagbabadyang pagtaas ng presyo ng bilihin.


BANGIS NG RABIES

 
Sumisigaw, nagwawala at nakagapos ang mga kamay at paa. Ang iba, takot sa hangin at tubig. May pagkakataong nakakawala sa pagkakatali, nagbabasag ng bintana at  pilit tumatakas sa silid ang pasyente. Lahat sila, nakagat ng hayop at tinamaan ng rabies.


Ang tatlong taong gulang naman na si Zyru, nawakwak at halos mapunit ang pisngi matapos atakehin ng isang hayop. Kinagat din ang kanyang tenga at ulo. Paano ito sinapit ng bata? Makaligtas kaya siya mula sa bangis ng sakit?

 



Sa pagbisita naman ng San Lazaro Hospital Animal Bite Treatment Center, mahigit limandaang pasyente ang nakapila. Lahat sila, naghihintay na mabigyan ng bakuna kontra rabies tulad ni lola Lora Policarpio na galing pang Meycauayan, Bulacan.

Sabi ni Dr. Ferdinand de Guzman, Spokesperson ng San Lazaro Hospital, inasahan nila ang pagbaba ng bilang ng mga nakakagat ng aso noong nagka-pandemya pero kabaligtaran ang nangyari.

 


Dahil na rin sa kakulangan ng pagamutan na may anti-rabies vaccine, may ilang umaasa sa alternatibong paraan. Ang ilan, gumagamit ng tandok o sungay ng kambing sa pag-aalis daw ng rabies. Paano nga ba makaliligtas sa bangis ng rabies?

Abangan ang mga kwentong ito sa Reporter’s Notebook sa bago nitong araw Linggo, March 13, 2022 9:15pm sa GTV.

 

 

...