ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
"Princess Angel, Nanay Maria and Patricia Javier"
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Episode on October 23, 2010 Saturday 5:00 PM Princess Angel Ang batang si Princess Angel ay tila mananatiling inosente hanggang sa kanyang pagtanda. Kung siya ay titingnan, hindi aakalain na siya ay apat na taong gulang na pala. 
Ang mga katangian ay maihahambing sa isang manika, maputi ang balat, timbang na gaya ng sa sanggol at ang taas ay apat na dangkal lang. Ang ikinababahala ng kanyang magulang, maliban sa kondisyon na cerebral palsy, walang butas daw ang kanyang puwit kaya ang pagdumi ay sa ari rin daw inilalabas. 
Nanay Maria Kakaiba raw ang suwerte ni Nanay Maria sa Benguet. Ang panganay na anak na si Minerva ay hindi nakakalakad, at para makapasok sa eskuwelahan, pinapasan niya ito sa likod. Nairaos niya ang sakripisyong ito hanggang sa makatapos ng high school. 
Ngunit muling sinubukan ng tadhana ang katatagan niya ng biyayaan siya ng isa pang anak na may kaparehong kapansanan. Tuwing umaga, binubuhat niya ang disi-sais anyos na si Harold para maihatid sa paaralan. 
Hindi rin biro ang ruta nilang tinatahak, mabato, matarik, madulas at tumatawid sa tulay na gumegewang. Saksi ang mga kamag-aral ni Harold sa Ampusongan National High School sa kalbaryo nilang mag-ina at humiling na sila sana ay matulungan. 
Patricia Javier 
Tinalikuran na raw ni Patricia Javier ang mundo na kung saan siya nakilala, ang pagpapasexy. Ngayon, nabubuhay na ng tahimik at nagsisilbi sa Panginoon. 
Ngunit sa tuwing sinasariwa ang buhay pag-aartista noon, laging sumasagi sa kanyang isipan ang kanyang alalay na si Aling Gina. Mapagkakatiwalaan, mabait at maasikaso. Pero naputol ang kanilang samahan ng mangibang bansa na ang dating artista. Ang huli niyang balita, si Aling Gina raw ay may karamdaman at nangangailangan ng tulong. 
Abangan ang mga kuwentong ito na kapupulutan ng aral, inspirasyon at pag-asa, dito lang sa Wish Ko Lang! kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Startalk sa GMA-7.








More Videos
Most Popular