Si Lolo Balut, uuwi na sa Samar sa tulong ng 'Wish Ko Lang'
Nitong nakaraang linggo, kumalat sa Facebook ang litrato ng isang matanda. Maraming mga puso ang nadurog nang malaman ang kanyang malungkot na kuwento. IIsa ang hiling ng mga taong naantig sa matandang magbabalut, sana raw ay matulungan si Lolo Meling. Dahil nag-iisa na sa buhay dito sa Maynila, nais na niyang umuwi na lang sa piling ng mga kaanak sa Samar. Ngunit may sagabal sa kanyang mga pangarap, wala siyang pamasahe at ina-alala niya rin na baka maging pabigat siya kung makikisiksik na lang siya basta basta sa mga kadugo.
Isang pagsubok ang dumating sa gurong si Sir Dominic na siyang magdidikta ng magiging tadhana niya. Nalaman niya na may sakit siya sa bato. Noong una raw ay nawalan siya ng gana at nagalit kung bakit niya sinapit ito. Pero nang mabalitaan na magiging ama na siya, nagbago na ang pananaw niya. Muling nabuhayan ng pag-asa kahit pa alam lulubha pa ang kanyang sakit sa darating pang mga taon. Nagpatuloy siya sa pagtuturo, inspirasyon niya raw ang mga tao sa eskuwela at mahal sa buhay na kanyang pinaghuhugutan ng lakas.
Isang wish mula sa Palawan ang natanggap ng Wish Ko Lang!, kawawa raw ang mga hayop doon tuwing nagkakasakit dahil wala raw veterinarian sa kanilang lugar. Sana ma-check up daw ang kanilang mga alaga. Kaya ang isa sa mga host ng programang Born To Be Wild na si Dr Nielsen Donato, hindi nag-atubili upang tuparin ang hiling ng mga taga-Palawan, dadayo siya roon para maganap ang isang espesyal na araw para sa kanilang mga alaga.
Abangan ang mga nakaka-antig na kuwentong ito sa Wish Ko Lang! kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Startalk sa GMA-7.