Isang Yolanda survivor, humiling na makadalo sa JS Prom
Para sa ilang kabataan, hindi makukumpleto ang buhay-high school kapag hindi nakapagsuot ng magarang gown o tuxedo para sa Junior-Senior Promenade o JS Prom. Maituturing na itong isang “rite of passage” para sa mga bagets na gustong maisayaw ang kanilang crush at makisaya sa mga kaklase bago magtapos ang school year.
Ngunit habang abala ang lahat sa paghahanda at pag-eensayo, ibang bagay ang nasa isip ng tubong Eastern Samar na si Jonelyn Capagalan. Hanggang ngayon, inaalala pa rin kasi niya ang pinagdaanang bangungot nang humagupit ang bagyong Yolanda sa kanilang probinsya.
“Doon po sa lugar kung saan ako lumaki, naranasan ko po ang ‘di malilimutang pangyayari kung saan muntik na naming ikapahamak dahil sa Bagyong Yolanda,” ani Jonelyn, na napilitang lumikas kasama ang kanyang pamilya upang makipagsapalaran sa Maynila.
Kahit kalagitnaan na ng taon, lumipat si Jonelyn sa Pangarap High School sa Caloocan. “Nasa fourth year na po ako upang ipagpatuloy ang aking pangarap na makapagtapos sa pag-aaral at maiahon sa hirap ang aking pamilya,” sabi ni Jonelyn.
Dahil bagong salta sa kanilang eskwelahan, nararanas daw si Jonelyn ng kalungkutan, gaano man siya kaaktibo sa silid-aralan. “Ginagawa ko na lang po ‘yung mga kailangan kong gawin, kasi po wala po akong ka-close,” aniya. “Naaalala ko po yung friends ko doon [sa probinsya.] Dito, OP na OP ka. Papansinin ka lang kapag may itatanong.”
Tulad ng ibang teenager, nais din ni Jonelyn na makadalo sa JS prom. “Isang beses lang po ‘yun at ‘di ko naranasan doon po sa probinsya,” aniya. “Gustong-gusto ko pong maranasan ‘yun sa kabila ng nangyari po sa akin [para] may maganda po akong memory.”
Ngunit dahil sa pinagdaanan ng pamilya nang humagupit ang bagyo, batid ni Jonelyn na hindi prioridad sa ngayon ang gumastos para sa JS prom. “Hindi ko puwedeng unahin ‘yung sariling kasiyahan ko kasi kahit na alam ko na kalahati sa buhay ko ang mawawala ‘pag ‘di ako nakasali sa JS, ayokong maging selfish,” sabi niya. “Kailangan ko munang unahin ‘yung kakainin namin.”

Nang puntahan ng “Wish Ko Lang!” si Jonelyn, ang akala niya’y para ito sa isang panayam tungkol sa mga biktima ng bagyong Yolanda. Ngunit laking gulat niya nang isa palang imbitasyon ang kanyang matatanggap.
Inihanda ng programa ang sapatos, gown at accessories na gagamitin niya, maging ang escort na sasama sa kanya. Tila isang prinsesa ang dalaga na naghanda at dumalo sa kanyang JS prom!
At sa okasyong iyon, tila isang fairy tale nga ang turing ni Jonelyn habang kasayaw ang kanyang escort. Labis na kasiyahan ang kanyang naramdaman dahil ang kanyang pangarap na maranasan ang makadalo sa mahalagang okasyon bilang estudyante ay natupad na rin. Batid ni Jonelyn na sa kabila ng mga pagsubok dala ng isang nakatatakot na karanasan, may puwang pa rin ang kaligayahan sa kaniyang buhay.
“Masayang masaya po ako dahil natupad po yung dream ko na makasama sa JS,” sabi niya.
Mapapanood ang "Wish Ko Lang!" tuwing Sabado, 4:45 PM sa GMA-7. Sundan ang Wish Ko Lang! sa Facebook at Twitter para sa mga update tungkol sa programa.— Elsed Togonon/CM, GMA News