'Breadwinner si Bunso' at 'Isang Sulyap kay Utol' sa Wish Ko Lang!

Sa Cavite, matatagpuan daw ang masipag na bata na si Josephine, labing isang taong gulang lang pero siya na ang bumubuhay sa kanyang pamilya. Ulila na siya sa ina na namatay nitong taon lamang. Habang ang ama naman niya na may kapansanan sa paningin, ang nakatoka sa pag-aalaga sa kapatid ni Josephine na may cerebral palsy.
Tuwing umaga, naka-abang na raw ang bata sa fishport, para manghingi ng isda at tsaka niya ito ilalako. Ginagawa niya raw ang sakripisyong ito dahil sa pagmamahal sa kanyang pamilya.

Ang pitumpo’t walong taong gulang na si Lolo Virgilio ay may isang hiling, ang makita ang nakababatang kapatid na si Lolo Boboy na nasa Davao. Mahigit dalawang dekada na raw silang pinaglayo ng pagkakataon. Napadpad daw kasi sa Mindanao si Lolo Boboy dahil sinundan ang mga anak na isinama ng kanyang dating misis. Mahirap din daw ang naging buhay niya roon kaya hindi madalaw ang kanyang kuya. Madalas umiiyak si Lolo Virgilio, sana raw ay matugunan ang kanyang pangungulila sa kanyang kapatid lalo pa’t nasa dapithapon na raw siya ng kanyang buhay.