Kuyang nagtaguyod sa kanyang mga kapatid, tampok sa 'Wish Ko Lang'

Mula nang mabilanggo ang ama ni Mark, bilang panganay, siya na ang umako ng responsibilidad bilang haligi ng kanilang tahanan. Mga bata pa raw ang kanyang mga kapatid at siya lang daw ang aasahan dahil ang kanilang ina, tila taliwas naman ang naging prayoridad sa buhay, hindi na kasi siya umaasa na lalaya pa ang mister.
Kung saan saan nagbaka sakali si Mark, naghanap siya ng trabahong tatanggap sa kagaya niyang high school graduate lang. Maliban kasi sa panggastos sa bahay, nag-iipon din siya para maayos ang kaso ng kanyang ama.
Pero habang todo abala si Mark, mas pinili pa ng kanyang ina na maghanap ng bagong katuwang sa buhay, higit na mas bata at hindi nalalayo sa edad ni Mark. Pero ang masama pa nito, hindi raw sila kasundo at madalas sinasaktan at binabantaan pa ang buhay ng magkakapatid.
Tunghayan ang pagganap nina Kristoffer Martin, Jak Roberto, Elijah Alejo, Mikoy Morales at Tanya Gomez, para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Karelasyon sa GMA-7.