Pagpanaw ng gitaristang si David Sicam sa isang trahedya, tampok sa 'Wish Ko Lang'

Taong 2014, isang trahedya ang naganap sa Bontoc Mountain Province. Isang bus ang nahulog sa bangin na ikipanahamak ng mga pasahero nito, may mga nasugatan at marami rin ang nasawi. Kabilang sa mga namatay ang artistang si “Tado” Jimenez at maliban sa komedyante, may ilang turista, sugo ng sining at ilang musikero rin ang nabiktima ng aksidenteng ito. Gaya ng gitaristang si David ‘Debid’ Sicam at ang pamilya niya. Plano sana nilang ipagdiwang ang kaarawan ng bunsong anak na si Amian sa Kalinga sa piling ng mga katutubo roon.
Pero naudlot ang plano nila pati ang mga pangarap ng ilang pasahero roon nang mawalan ng preno ang sasakyan. Bago raw mahulog at gumulong ang bus, ang agad na ginawa ni Debid ay yinakap si Amian. Sa kasamaang palad, pumanaw si Debid pero ang anak, himalang nakaligtas na wala man lang galos. Paniwala nila, niligtas siya ng ama at inalay ang buhay para sila ay ‘di mapahamak. Ito nga ba ay himala?
Abangan ang pagganap nina Martin Del Rosario, Valerie Concepcion, Marc Justine Alvarez at David Remo para isabuhay ang mga tagpong ito, kasama si Vicky Morales sa Wish Ko Lang!, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Karelasyon sa GMA-7.