Ruru Madrid at Klea Pineda, bibida sa 'Wish Ko Lang'
Wish Ko Lang!
July 29, 2017
Kahit bata pa noon si Justine, madiskarte na siya sa buhay para makatulong sa pamilya at makapagpatuloy sa pag-aaral. Nagbenta ng gulay at gagamba, inuupahan siyang maglinis at manggapas at sumasama rin siya sa tatay niya sa construction.
Pagkatapos niya ng high school, agad na nag-apply at natanggap si Justine bilang roomboy sa isang hotel sa Batangas. Masipag at matiyaga ang binata sa trabaho, kapag wala ngang pasok, pumupunta pa siya sa bahay ng amo niya para maglinis at magbutingting ng mga sira para dagdag sa kinikita niya.
Pero isang gabi, habang naka-duty siya, pinasok sila ng tatlong holdaper, nagkabarilan at namatay ang mga kasamahan niya. Buti na lang si Justine ay nakaligtas pero ang tama naman niya ang naging sanhi para hindi na siyang makalakad muli. Nang dahil sa insidente, tila inagaw raw ang pangarap at kinabukasan ni Justine.
Tunghayan ang pagganap nina Ruru Madrid, Klea Pineda at Tanya Gomez para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Tadhana sa GMA-7.