Kuwento ng isang ulirang anak, mapapanood sa 'Wish Ko Lang'
Wish Ko Lang!
Sept 2, 2017
“Silbi sa Buhay”

Bilang panganay na anak at wala pang asawa, malinaw kay Daniel ang magiging silbi niya sa buhay, at ito ay ang tulungan at alagaan ang kanyang mga magulang. Pero nang siya ay maaksidente, nalihis ang mga plano niya. Ang kanyang pagkahulog kasi ang nagdulot ng kanyang pagkabaldado. Mula noon, kahit may mga edad na ang mga magulang niya, tanging sila pa rin ang nag-aruga kay Daniel.
Pero bigla ring namatay ang kanyang ina dahil sa kumplikasyon sa bukol sa bituka, habang ang ama naman ay patuloy ang paglala ng paningin na nauwi rin sa pagkabulag. Kaya ang naging sitwasyon nila sa bahay, isang baldado at isang bulag na matanda.
Hanggang sa salantahin pa sila ng bagyong Ondoy, pinasok ang kanilang tahanan ng baha at mabilis ang pagtaas ng tubig. Walang magawa ang mag-ama, akala nila ay katapusan na nila, pero buti na lang ay may mga taong nagligtas sa kanila.
Ngunit ilang taon lang ang lumipas, pumanaw na rin ang tatay niya. Para kay Daniel, ito na ang totoong trahedya ng buhay niya, kung paano mabuhay mag-isa na may kapansanan?
Tunghayan ang pagganap nina Benjamin Alvez, Tanya Gomez, Joel Saracho, Lharby Policarpio, Beatriz Imperial at Maey Bautista para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Tadhana sa GMA-7.