Babaeng laging naaaksidente sa apoy, tampok sa 'Wish Ko Lang'
Wish Ko Lang!
March 24, 2018
"Dulce"

Mailap daw ang suwerte kay Dulce at mas lapitin daw siya ng apoy na nagdulot ng mga pasakit sa buhay niya. Noong bata raw siya, aksidenteng nasabugan sila ng kapatid niya ng dahil sa paint thinner. Nasawi ang kanyang kapatid habang siya naman ay nasunog ang mukha. Kaya lumaki siyang walang kumpiyansa sa sarili at hindi na rin pumasok sa eskuwela dahil tiyak na gagawing tampulan lang siya ng tukso.
Naulit muli ang insidenteng sunog nang mag-init at nagliyab ang electric fan sa inuupahan nilang puwesto ng tindahan. Ito ang naging dahilan para paalisin sila ng kanyang ina kaya nawalan na rin sila ng kabuhayan.
At nitong nakaraang taon lang, tinupok na naman ng apoy ang tinitirhan nila ng anak niya. Hindi mawari ni Dulce kung bakit siya tila sinumpa sa apoy at bakit ayaw siyang tantanan nito?
Tunghayan sina Patricia Javier, JC Tiuseco, Leanne Bautista, Gio Alvarez at Lui Manansala para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Tadhana sa GMA-7.