Sanya Lopez, muling bibida sa 'Wish Ko Lang'
Wish Ko Lang!
April 7, 2018
“Bangungot ng isang Inosente”

Siya na ang biktima, pero hindi siya ang pinanigan…Ito ang sitwasyon ng dalagang si Rhea, matapos kasi siyang gahasain ng ilang beses ng kanyang tiyuhin, siya pa ang sinisi ng kanyang pamilya kung bakit nangyari ito. Sumama ang loob niya kaya lumayas siya at nagpunta sa ibang kamag-anak na kadugo ng ina niya.
Sa kasamaang palad, sinamantalahan naman siya ng kanyang pinsan. Hindi maatim ni Rhea kung bakit ganito ang sinasapit niya, sariling mga kadugo ang umaabuso sa kanya. Ang tanging kakampi niya lang sa mga pagsubok na ito ay ang kanyang kakambal na si Andy. Siya ang umaalalay sa kanya para makabangon muli, sa katunayan siya ang naghahanapbuhay para makapasok sa kolehiyo si Rhea. Nagtutulungan ang magkapatid para mabago ang kanilang kinabukasan at malimutan ang bangungot ng kanilang nakaraan.
Tunghayan sina Sanya Lopez, Kiko Estrada, Rob Moya, Archie Adamos at Irene Celebre para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Tadhana sa GMA-7.