Paskong Pinoy noon at ngayon
Dear Kapuso, Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa lahat. Gusto ko lang gunitain kung paano namin ipinagdiriwang ang Pasko noong bata pa kami. Mula sa ika-16 ng Disyembre magsisimula na kaming mag- Simbang Gabi o Simbang Madaling- araw ( ewan bakit naging simbang gabi). Malamig sa umaga kaya 'di kami agad nagigising. Ang aking butihing INA ang aming alarm clock. Pupungas-pungas kaming magkakapatid na bababa ng hagdan at konting hilamos lang at sabay-sabay na kaming pupunta sa kapilya. Tinatapos namin ang pagsimba hangang sa umabot ang araw ng Pasko. Masaya lalo na't pagtapos na ang misa, maraming pagkain sa labas ng kapilya: suman, puto bungbong, kalamay at kung anu-ano pang matatamis na pagkain. Pagdating sa bahay magsisiga ang aking ama ng tuyong dayami sa harapan ng bahay ( dapog ang aming tawag dito) at gagawin naming panlaban sa lamig. Doon na kami aabutin ng sikat ng araw. Sa loob ng sampung araw pagpatak ng Simbang Gabi, mararamdaman mo na ang tunay na diwa ng Pasko. Noroon ang mga tao ay abala sa paglilinis ng kani-kanilang bahay ( ang mga bahay po sa amin ay gawa sa kahoy kaya nililinis nila gamit ang iskoba o dahon ng pakiling) kaya bago sumapit ang araw ng Pasko ay puro malinis ang mga bahay at ang mga tao ay siguradong malinis din pati puso at kaluluwa dahil sa loob ng siyam na araw ay araw-araw nagpapakumpisal ang pari sa aming kapilya. Kaya ang diwa ng Pasko ay talagang ramdam mo sa mga tao sa amin mapa-bata man matanda. Handang-handa sila pagdating ng kaarawan ng Panginoon dahil malinis ang kanilang kapaligiran at lalu na ang mga sarili. Nakalulungkot lang ngayon kasi ay wala na halos ganito sa amin. Wala nang nag-iiskoba ng bahay kasi lahat gawa na sa bato ang mga bahay, wala nang kahoy at pawid, puro bato at yero na. At dahil sa 'di ko na rin nakikita ang aming kapilya tuwing Simbang Gabi, sa loob ng halos 15 taon hindi ko na din alam kung ang diwa ng Pasko noon at ngayon ay pareho pa. Isa lang ang masasabi ko, noon ang Pasko ay kumpleto sa amin, katawan, puso at kaluluwa handa sa pagdating ng Pasko. Handang salubungin ang kaaarawan ng ating PANGINOON ng malinis lahat-lahat. Ngayon iba na ang aking pakiramdam lalu't na nasa ibang bansa ako lagi pagdating ng Pasko, malungkot at may kulang. Kaya ang hiling ko lang para sa mga tao lalung-lalo na sa mga bata ngayon, maramdaman ninyo ang tunay ng DIWA ng Pasko, hindi sa dami ng regalo o pagkain, kundi sa paglilinis natin ang ating sarili sa pagdating ng ating PANGINOON, dahil hindi natin kailangang makipagdiwang sa kanyang kaarawan na suot ang bagong damit o anu pang bagay lamang, kundi dapat tayo makipagdiwang sa kanya na malinis ang ating mga sarili sa lahat ng ating mga kasalanan. Dahil ang diwa ng Pasko ay PAG-IBIG sa tao at higit sa lahat sa DIYOS. Kaya mga kapuso at kapamilya, MALIGAYANG PASKO SA INYONG LAHAT... Bong, UAE - GMANews.TV