Vilma Santos reelected as Batangas governor
Tinawag ng Star for All Season na si Vilma Santos-Recto na âsweet victory" ang muli niyang pagkakahalal bilang gobernador sa lalawigan ng Batangas. Nitong Miyerkules ng gabi ay iprinoklama na ng Provincial Board of Canvassers sa kapitolyo ng Batangas ang premyadong aktres bilang halal na gobernador kahit mayroon pang anim na porsiyento ng mga election returns (ERs) ang hindi nabibilang. Sa ulat ni GMA News Theresa Andrada sa primetime news 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing nakakuha si Ate Vi ng 561,485 boto kontra sa 369,210 boto na nakamit ng katunggali niyang si dating Sto Tomas mayor Edna Sanchez. Si Edna ang naging substitute candidate ng Nacionalista Party nang pumanaw ang kanyang asawa na si dating Batangas governor Armand Sanchez habang nangangampanya.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ayon kay Ms Vilma, pambato ng Liberal Party, naging mahirap ang kanyang kampanya ngayong eleksiyon dahil tatlong partido ang nagsanib ng puwersa laban sa kanilang partido. Batay sa resulta ng bilangan, nakuha ni Ms Vilma ang 31 sa kabuuang 34 na munisipalidad sa lalawigan ng Batangas. Lumitaw na mas malaki rin ang naging kalamangan ngayong ng aktres kumpara noong nagdaang halalan. Noong 2007 elections, sinabing umabot lang sa mahigit 130,000 ang lamang ni Santos-Recto sa tinalo niyang incumbent governor noon na si Armand Sanchez. Sa pakikipagtuos niya kay Edna Sanchez nitong May 10 (2010), umabot sa mahigit 190,000 ang lamang ng aktres. Kabilang sa anim na porsiyento ng ERs na hindi pa nabibilang ay ang mga boto na galing sa Calaca at Balayan. Hindi umano makuha ang resulta ng boto sa dalawang munisipalidad dahil nagloloko ang compact flash (CF) card kahit tatlong beses na itong pinalitan. Kasama ni Vilma na nanalo sa Batangas ang aktor at ka-tiket niya sa kampanya na si Christopher de Leon na magsisilbi bilang board member sa isang distrito sa lalawigan. - Fidel Jimenez, GMANews.TV