Ex-sexy star Katrina Paula visits alleged syndicate leader Raymond Dominguez
Matapos itinanggi noon na may relasyon sila ng inaakusahang lider ng carnapping group na si Raymond Dominguez, nakunan ng GMA News nitong Martes ang pagbisita ng dating sexy star na si Katrina Paula kung saan nakadetine ang una. Sa ulat ng primetime newscast na 24 Oras nitong Martes, sinabing tumangging magpaunlak ng panayam si Katrina. Ngunit inamin umano ng dating aktres na dadalawin niya si Dominguez. May kasama ring bata si Katrina pero hindi sinabi sa ulat kung kaninong anak ito. Bago magsimula ang pagdinig ng isang korte sa Bulacan nitong Martes ng umaga, nakitang ipinasok ang bata na kasama ni Paula sa sasakyan kung saan naroroon si Dominguez. Ibiniyahe sa Bulacan si Dominguez para dumalo sa isa sa mga kasong kinakaharap nito sa Malolos. Ngunit hindi natuloy ang pagdinig dahil hindi sumipot ang sinasabing biktima ng akusado.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Bukod sa mga kasong carnapping, suspek din si Dominguez sa pagpatay sa car dealer na si Venson Evangelista. Nadadawit din ang pangalan nito sa pagpatay kay Rejoice Rivera, miyembro ng grupong Baywalk Bodies. (Basahin: Baywalk Bodies' Rejoice found dead on NLEX) Nakita ang bangkay ni Rejoice sa bakanteng lote sa North Expressway nitong katapusan ng Disyembre na may tama ng bala sa ulo. Unang nadikit ang pangalan ni Katrina (Angeline Samonte sa tunay na buhay), kay Dominguez noong Nobyembre 2010 matapos makita sa parking space ng condominium na tinutuluyan umano ng dalawa sa Mandaluyong ang ilang sasakyan na sinasabing tinangay ng grupo ni Dominguez. Bagaman may larawan na lumabas na nakitang nakaakbay si Katrina kay Dominguez, itinanggi ng dating sexy star na may relasyon ng lalaki. (Basahin: Dating sexy star Katrina Paula at live-in partner, pinaghahanap sa kasong carnapping) Ngunit batay umano sa testimonya ng hawak ng testigo ng pulisya, sinabing nagsasama sina Katrina at Dominguez. Nitong Enero 2011 ay kinasuhan si Katrina paglabag sa anti-fencing law dahil sa mga nakitang sasakyan sa nabanggit na condominium sa Mandaluyong. - GMANews.TV