ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Paquito Diaz's place in Walk of Fame assured


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bunga ng malaking kontribusyon sa industriya ng pelikulang Pilipino, tiniyak ni German “Kuya Germs" Moreno na mailalagay sa Walk of Fame Philippines ang pangalan ng pumanaw na aktor na si Paquito Diaz. Ngayon pa lang ay humingi na rin ng paumanhin si Kuya Germs kung hindi man niya ito nagawa nang panahon na nabubuhay pa ang batikang kontrabida sa pelikulang Pilipino. “Darating ang mga bagay na ‘yan na naroroonan siya (Paquito) sa Walk of Fame Philippines. Nagpapauna na ‘kong humihingi ng paumanhin na hindi ko po kakayanin lahat na pagsabay-sabayin," pahayag ni Kuya Germs. “Kaya ‘wag nang isipin ng iba na naman na kung kailan wala na (iyong tao) saka lang maaalala na ilagay," pakiusap pa niya.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Si Kuya Germs ang gumagastos sa mga pangalang inilalagay sa Walk of Fame Philippines taun-taon. Pumanaw si Paquino nitong Huwebes ng gabi sa kanilang bahay sa Daraga, Albay, sa edad na 73. Sa mahigit 200 pelikula na kanyang nagawa, halos lahat nito ay kaaway ng bida ang papel ni Paquito. Kabilang sa mga madalas niyang kaeksena ay sina Fernando Poe Jr., at dating Pangulong Joseph Estrada. Nagpaabot si Estrada ng pakikiramay sa pamilya ni Paquino. Malaking kawalan umano ang batikang aktor sa showbiz industry. Nang matampok si Paquito sa programang Wish Ko Lang noong 2008, kabilang sa mga hiniling ng dating aktor ay makaharap muli si Estrada, na natupad naman. Bumagsak ang kalusugan ni Paquito mula nang ma-stroke. Noong nakaraang buwan ay isinugod siya sa isang ospital sa Albay, at pumanaw isang araw matapos siyang iuwi sa kanilang bahay sa Daraga. Ayon sa misis ni Paquino ni Nena Diaz, marahil ay kagustuhan na rin umano ng Diyos na pagpahingahin na ang kanyang asawa dahil nahihirapan na rin ito sa kanyang kalagayan. Sa kabila ng mga brusko at maangas na karakter na ginampanan sa mga pelikula, sinabi ni Imelda Papin na kabaliktaran sa tunay na buhay ang ugali ni Paquito. “Malaking kawalan sa industry dahil bilang isang Paquito Diaz , bilang magaling na aktor, mahirap pantayan," ayon kay Ms Imelda. Mula sa Daraga, ililipat sa Manila ang mga labi ni Paquito at ililibing ito sa Manila Memorial Park. - Fidel R. Jimenez, GMA News