Babala sa publiko: Manny Many Prizes ni Pacquiao, ginagamit sa text scam
Pinag-iingat ng GMA Entertainment TV ang publiko laban sa mga taong mapagsamantala at ginagamit sa text scam ang bagong game show na Manny Many Prizes kung saan host si Manny Pacquiao. Sinabi sa ulat ng Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes, na may nagpapadala ng text messages at sinasabing nanalo ang may-ari ng naturang numero ng cell phone sa bagong game show ng GMA 7 na Manny Many Prizes. Paglilinaw ng GMA Entertainment TV, lahat ng ipinamimigay na premyo sa MMP ay ginagawa sa mismong games show tuwing Sabado at hindi sa pamamagitan ng text lamang.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Idinagdag pa na kung magkakaroon man ng segment sa show kung saan pwedeng manalo sa pamamagitan ng text o pagtawag sa telepono, ipapaalam ito sa publiko at gagawin pa rin ito ng live sa mismong game show. Noong unang linggo ng Hulyo, nagbabala rin si Manny sa kumakalat na text message na nagsasabing nanalo rin ang may-ari ng cell phone sa pa-raffle ang foundation ng pambasang kamao, katuwang ang Kapuso Foundation. Dahil sa mga text scam, pinayuhan ng National Telecommunication Commission ang publiko na maging maingat at alerto. Maaaring ireport sa NTC ang mga matatanggap na text scam sa telepono bilang 926-7722 at 921-3251. â FRJimenez, GMA News