Aktor na si Joseph Bitangcol ligtas na, pero posibleng operahan
Ligtas na pero posibleng operahan sa mukha ang aktor na si Joseph Bitangcol na malubhang nasaktan nang mabangga ng isang trak ang sinasakyan nilang Mitsubishi Montero, at pagkatapos ay sumalpok sa isang poste sa Antipolo City. Sa ulat ni Steve Dailisan sa GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing ligtas na rin ang lima pang kasama ni Joseph sa nabanggang sasakyan pero kailangan pang magpagaling sa ospital. Bukod kay Joseph, grabe rin umano ang pinsalang inabot ng kasama niyang babae sa sasakyan na si Vanessa Vecina. Sinabi ni Dr Regin Pioquinto, kailangan isailalim pa sa mga eksaminasyon ang aktor dahil nawala sa ayos ang buto nito sa kaliwang bahagi ng mukha.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Dahil dito, posible umanong operahan si Joseph para lagyan ng metal plate o bakal ang napinsalang buto niya sa mukha, ayon kay Dailisan. Batay sa imbestigasyon, papunta sa isang videoke bar sa Antipolo ang grupo ni Bitangcol dakong 4 a.m. nitong Miyerkules nang masagi ng isang 10-wheeler truck na papunta naman sa Manila. Naganap ang sakuna sa pakurbang kalsada sa Sumulong Highway, Brgy Sta. Cruz, Antipono City. Pababa ang trak na minamaneho ni Victor Beltran, habang paahon naman ang SUV na minamaneho ng kaibigan ni Joseph. Kinain umano ng trak ang linya ng kalsada ng grupo ni Joseph, ayon sa isang saksi. Pero iginiit ni Beltran na ang grupo ng aktor ang wala sa linya. Nakainom pa umano ng alak ang drayber ng SUV. Matindi ang naging pinsala sa tagilirang bahagi ng SUV at nawalan ito ng kontrol bago bumangga sa isang poste. Desidido naman ang pamilya ng kaibigan ni Joseph na kasuhan ang drayber ng trak. â GMA News