ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Deklara ni Sen Revilla Jr: Pumaslang sa kapatid na si Ram, hindi titigilan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naipaalam na sa may sakit na si dating Sen Ramon Revilla Sr., ang pagkamatay ng anak na si Ram Revilla. Samantala, nag-alok na rin ng P500,000 pabuya ang pamilya Revilla para mahuli ang mga suspek. Sa panayam sa telepono ng StarTalk host na si Butch Francisco ng nitong Sabado, sinabi ni Sen Ramon “Bong" Revilla Jr., na naging mahirap para sa kanila na ipaalam sa ama ang nangyari sa kanyang half-brother na si Ram o Ramgen. “Kanina sinabi ng mga kapatid ko at iyon talaga siyempre hindi natin maalis sa magulang, talagang nasaktan siya. Ngayon it happened dumating ako kanila parang tulala siya. Sabi ko, ‘daddy are you okey?’ Tumango lang siya," kuwento ni Sen Bong. Sa mga naunang panayam, sinabi ni Sen Bong na si Ram ang paboritong anak ng kanilang ama na tinawag na “Agimat ng Senado." (Basahin: Pagkamatay ni Ram Revilla, ‘di pa ipinapaalam sa amang si ex-Sen Revilla Sr) Sa pinakahuling ulat, lumitaw na dalawa at hindi lang isa ang taong pumasok sa bahay ni Ram sa BF Homes Paranaque, dakong 11:30 p.m. nitong Biyernes.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nagtamo ng mga saksak sa katawan at tama ng baril si Ram na dahilan ng kanyang pagkamatay. Sugatan naman ang ex-girlfriend ni Ram na si Jonelle Manahan. Kinondena ni Sen Bong ang karumal-dumal na pagpatay kay Ram na inilarawan niyang mabuting anak at kapatid. Hanggang ngayon ay wala pa umanong makitang dahilan ang kanilang pamilya para patayin si Ram. “So far wala kaming makuhang lead kaya talagang nakakalungkot at nagbigay na tayo ng pabuya o reward kung sino ang makapagtuturo dito sa mga suspek na ito. Talagang sobrang karumal-dumal ang pagpatay nila dito sa aking kapatid," pahayag ng senador. At nang hingan ng mensahe si Sen Bong tungkol sa mga suspek, madiin ang kanyang naging pahayag: “Hindi kami titigil hanggat hindi namin kayo nakukuha. Yun lang ‘yon." Sa hiwalay na panayam ng GMA news, umiiyak naman na nagpahayag ang anak ni Sen Bong na si Brian na: “ Tuloy ang laban, ‘yon na lang." Sa isang tweet naman ni Jolo Revilla, sinabi nito na: “Hindi kami papayag na hindi ka mabibigyan ng hustiya!" Malaking pasasalamat naman ni Sen Bong na hindi sinaktan ang isa pa niyang kapatid na si Mara na tinangay ng mga suspek matapos patayin si Ram. Hindi umano nakilala ni Mara ang mga suspek dahil hindi nag-alis ng maskara ang mga ito kahit nasa sasakyan. Kasalukuyang nakalagak ang mga labi ni Ram sa Angelus Eternal Garden sa Imus, Cavite. Bukas umano ito sa publiko hanggang sa araw ng libing ni Ram sa susunod na linggo. Wala pa namang takdang araw na napag-uusapan ang pamilya kung kailan ililibing si Ram, ayon kay Sen Bong. -- FRJImenez, GMA News

Tags: ramrevilla