Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kapuso programs, personalities, pinarangalan sa 25th Star Awards for TV


Tumanggap ng parangal sa ginanap na 25th Star Awards for Television of the Philippine Movie Press Club (PMPC) ang mga programa at personalidad ng Kapuso Network.   Sa ulat ni showbiz reporter Cata Tibayan nitong Miyerkules, ang GMA News 24 Oras ang tinanghal na Best News Program.   Agad na inialay ni Mike Enriquez, anchor ng 24 Oras, ang parangal sa mga manonood.   Sinabi naman ni Kate dela cruz, PM/Executive Producer ng 24 Oras, na ang tinanggap na pagkilala ay nagsisilbing hamon sa kanila.   “Yung award na ‘to lagi naming sinasabi na nagiging hamon sa 24 Oras at sa GMA News and Public Affairs para pagbutihin pa ang pagbibigay ng tapat na balita at mga impormasyon na walang kinikilingan, walang pinoprotektahan,” pahayag ni Dela Cruz.   Tinanghal namang Best Female Newscaster si Vicky Morales bilang anchor ng Saksi.   Ang i-WITNESS ang kinilalang Best Documentary Program, at  Best Documentary Program Hosts ang mga host nito na sina Howie Severino, Jay Taruc, Sandra Aguinaldo at Kara David.   Umaasa daw ang mga bumubuo ng iWITNESS na makakaantig sila ng puso ng mga opisyal at mga tao upang mabago ang kalagayan ng mga komunidad na kanilang binibista, ayon kay Kara.   Ang host ng variety show na Walang Tulugan With the Master Showman na si German “Kuya Germs” Moreno, ay tumanggap ng special award bilang Master Star Builder.   “Alam mo naman ang mga tao at least nakakaalala pa kung ano ang nagawa mong kontribusyon sa industriya… Salamat dun sa mga tao na hanggang ngayon ay nagtitiwala pa rin,” ayon kay Kuya Germs.   Ang batikang aktres na si Susan Roces ang tumanggap ng Ading Fernando Lifetime Achievement Award. Habang Posthumous Award naman ang ibinigay sa yumaong si Direk Lito Calzado.   “Nais ko lang pasalamatan lahat ng bumubo ng PMPC Star Awards para sa karangalan na ibinibigay nila para sa aking ama na si Lito Calzado,” ayon sa Kapuso actress na si Iza Calzado.   Ang GMA Vice President for News Program at  anchor ng GMA News TV newscast na State of the Nation (SONA) na si Jessica Soho ay pinagkalooban ng Excellence in Broadcasting Lifetime Achievement Award.   “Parang ito ang simbulo ng almost 27 years na pagseserbisyo ko sa GMA News and Public Affairs, salamat at kinilala ito ng PMPC,” pahayag ni Ms Jessica.   For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Narito ang iba pang parangal na iginawad ng PMPC:   Best Documentary Special:  Ang Pluma: Rizal and Dakilang Manunulat   Best Children Show: Art Angel   Best Children Hosts: Tonipet Gaba at Roxanne Barcelo   Best New Male TV Personalities: Derrick Monasterio at Teejay Marquez   Best New Female Personality: Jillian Ward   Best Youth Oriented Program: Reel Love Presents: Tween Hearts   Best Comedy Actor: Ogie Alcasid   Best Male TV Host: Allan K   Best Gag Show: Bubble Gang   Best Comedy Show: Pepito Manaloto   Best Daytime Drama Series: Little Star. -- FRJ, GMA News