ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Castaways sa Survivor Philippines Season 4, pinakamareklamo – Richard Gutierrez


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ang kasalukuyang grupo ng mga castaway sa Season 4 ng hit reality TV show na Survivor Philippines ang pinakamareklamo, ayon mismo sa host nito na si Richard Gutierrez. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes, iniulat ni showbiz reporter Cata Tibayan, ang pag-quit ng magpartner na sina Jackie Foster at Angelicopter sa episode nitong Lunes ng Survivor Philippines Celebrity Doubles Showdown. Nakipagtalo ang dalawa kay Richard dahil sa hindi umano patas na nangyari sa isang challenge kung saan nagulungan ng itinutulak na malaking bagay ang isa nilang kasamahan sa tribu. Ipinunto rin ni Jackie na mistulang itinutulak silang gumawa ng masama laban sa kapwa castaways na hindi umano niya nais mangyari. Ngunit hindi lang ito ang inirereklamo ng iba pang castaways kaya naman nagsalita ang host ng reality show na si Richard na ang grupo ngayon ng mga castaway ang pinakamareklamo na kanyang nakita. Ipinaalala niya ang tema ng programa na hindi katulad ng ibang reality show na ipina-pamper ang kalahok. Kaya kung sa tingin daw ng mga castaway ay inilalagay ng production crew ang buhay nila sa alanganin, hinamon niya ang mga ito na mag-quit. Kaya bago pa man magkaroon ng botohan kung sino ang patatalsikin sa isla, nagboluntaryo na sina Jackie at Angelicopter na sila na ang aalis. Emosyunal si Jackie dahil iniwan daw niya ang kanyang dalawang anak sa pagsali sa Survivor Philippines at umaasang magkakaroon ng mga kaibigan. Ang tandem nina Jackie at Angelicorter ang ikalawang pares na naalis sa isla. Unang natanggal ang tambalan nina Aifha Medina and Alyssa Alano. -- FRJ, GMA News