Kris Aquino, nagpapahanap ng ka-date kay Dingdong Dantes?
Tinawag ni Kris Aquino ang Kapuso hunk na si Dingdong Dantes na ‘dream leading man’ dahil sa pagiging propesyunal ng aktor at hindi mahirap katrabaho. “Hindi siya alagain na tao, hindi siya mahirap katrabaho. Mabait siya, on time siya, prepared siya. He’s a dream leading man," pahayag ni Kris sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules. Magkasama sina Kris at Dingdong sa horror movie na Segunda Mano na kasali sa 2011 Metro Manila Film Festival. Bukod sa sila ang mga bida, ang dalawa rin ang nagco-produced sa pelikula. Puring-puri rin ni Dingdong ang katrabaho at kasosyo niya sa pelikula na si Kris. Wala raw silang naging problema habang ginagawa ang movie. At dahil walang premiere night na itinakda ang Segunda Mano, sa first screening day pa lang sa mga sinehan sa Disyembre 25 ay magkasama na raw manonood sina Kris at Dingdong, kasama rin ang mga kapatid na babae ni Kris. Hindi naman sigurado si Kris kung makakasama nila sa panonood ng movie ang kanyang kuya na si Pangulong Noynoy Aquino III. “Kasi ayoko namang gambalain na ang presidente. Pero my sisters all said talaga na doon kami then go straight sa Manila Memorial after to visit our mom and dad," ayon kay Kris. Umaasa naman si Dingdong na makakasama niya sa panonood ng movie ang kanyang girlfriend na si Marian Rivera, na katambal naman ni Sen Bong Revilla sa Ang Panday 2, na kasali rin sa film festival. Samantala, naibigay na raw ni Kris ang Christmas gift niya kina Dingdong at Marian. Magagamit daw ng dalawa sa pagbiyahe ang regalo ni Kris. Ayon naman kay Dingdong, sa Pasko pa nila bubuksan ni Marian ang regalo sa kanila ni Kris. Pero nang mapag-usapan na ang regalo naman ng aktor kay Kris, pabirong humirit ang bunsong kapatid ng pangulo ng: “Wag mo na ‘kong regaluhan, hanapan mo na lang ako ng date.” “E malay n’yo naman may friend siya di ba?,” natatawang habol ni Kris. Pabiro rin naman ang naging sagot ni Dingdong: “Mayroon… above 55, marami.” -- FRJimenez, GMA News